MANILA, Philippines – Muling nagbuga ng abo ang Mayon Volcano sa Albay nitong Martes ng umaga, Nobyembre 3, habang nananatili itong nasa Alert Level 3.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagsimula ang ash emission bandang alas-8:22 ng umaga.
Umabot sa humigit-kumulang 1,600 metro sa ibabaw ng summit crater ang ibinugang plume bago ito tinangay patungong timog-kanluran.
Nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon, na nangangahulugang mas mataas ang posibilidad ng hazardous eruption.
Itinaas sa naturang alert level ang bulkan noong Oktubre 30 matapos makaranas ng moderately explosive eruption.
Patuloy na inirerekomenda ng PHIVOLCS ang paglikas sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa banta ng pyroclastic density currents, lava flows, rockfalls at iba pang volcanic hazards.
Pinapayuhan din ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa summit ng Mayon dahil maaaring makapanganib sa aircraft ang volcanic ash mula sa biglaang pagputok.
Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng minor eruption sa summit crater ng Mayon nitong Lunes. Santi Celario