Home NATIONWIDE Rich LGUs, makikinabang sa MPB spending ng DPWH; 5th class walang pondo...

Rich LGUs, makikinabang sa MPB spending ng DPWH; 5th class walang pondo – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Salungat sa ilang pahayag na para sa mahihirap na bayan ang itatayong multi-purpose building (MPB), lumilitaw sa layunin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mas maraming proyekto ang napupunta sa mayayamang lungsod at munisipalidad kaysa sa mahihirap na local government units (LGUs), ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.

Ani Lacson, sa 79,816 MPB na pinondohan mula 2012 hanggang 2026, 53,865 o halos dalawa sa bawat tatlo (67.48 porsiyento) ang napunta sa mga first-class na bayan at lungsod; samantalang 976 lamang o halos 1.2 porsiyento ang napunta sa ifth-class na bayan at lungsod, o sa pinakamahihirap sa mahihirap.

Dahil dito, aniya, pinabubulaanan ng datos ang mga pahayag ng ilang mambabatas sa House of Representatives na kailangan ng LGU na may mababang income classification ang MPB.

“(Sabi nila) kailangan natin ang MPB gawa ng mabababang income class municipalities, kailangan bigyan ng MPB. Aba, nang pinag-aralan namin, 67.5% nasa first class cities and municipalities, 1.2% nasa laylayan, ang 5th class. So paano mo ija-justify?” ani Lacson sa isang panayam sa DZRH radio.

“Imagine, kung ano ang 5th class municipalities, yan pa ang 1.2%. Mukhang mali ang direction,” aniya sa interpellation sa panukalang 2027 budget ng DPWH sa Senado.

Batay sa income classification, mula 2012 hanggang 2026, 53,865 MPB ang pinondohan para sa mga first-class LGU, kasunod ang second-class LGU na may 10,671; third-class na may 8,167; fourth-class na may 5,229; at fifth-class na may 976. Hindi naman natukoy ang income classification ng natitirang 908 MPB.

Binanggit din ni Lacson ang malaking pagkakaiba sa distribusyon ng mga MPB sa mga lungsod at munisipalidad, kabilang ang ilan sa pinakamayayamang LGU sa bansa batay sa kanilang kita.

Ang Quezon City, na may pinakamataas na kita na P31.533 bilyon, ay may 1,449 MPB, habang ang Taguig City, na isa ring may mataas na kita, ay may 318. Kabilang naman sa 10 lungsod na may pinakamababang bilang ng MPB ang Santiago City sa Isabela, na mayroon lamang tatlo.

Sa mga munisipalidad, ang Daraga sa Albay, na may pinakamataas na kita, ay may 135 MPB, habang isa lamang ang Calayan sa Cagayan.

Sinabi ni Lacson na tila nagpapatuloy ang ganitong pattern sa bersyon ng Senado ng panukalang 2027 national budget.

Sa bersyon ng Senado ng 2027 budget bill, nakatakdang makatanggap ng 25 MPB ang Lipa City sa Batangas, isang first-class LGU na may National Tax Allotment (NTA) na P1.321 bilyon; habang 26 naman ang nakalaan sa Quezon City.

Aniya, dapat magsilbing panagot sa pahayag ni Rep. Jose Teves Jr. na kailangan ng mga fifth-class na munisipalidad ang mga MPB ang opisyal na datos na ito.

“We should do some rethinking. After looking at past data we’re just following the pattern, it’s more of the same. Nagsasayang tayo (We’re wasting funds),” ani Lacson.

Sumang-ayon kay Lacson si Sen. Jose Victor “JV” Ejercito, sponsor ng panukalang 2027 budget ng DPWH. Sinabi ni Ejercito na “will look into how they will be able to prioritize especially 4th and 5th class municipalities so any construction activities will really help the local economy to grow” si DPWH Secretary Giovanni Lopez.

Binanggit din ni Lacson na may 2,806 item na nagkakahalaga ng P41 bilyon sa bersyon ng Senado, ngunit hindi tinukoy ang gamit ng mga ito, gaya ng kung health center, evacuation center o sports complex ang itatayo.

Sinabi niyang nagtungo ang kanyang staff sa isang proyekto sa Castillejos, Zambales, at nakita roon ang isang palengke at isa pang estruktura sa loob ng parehong complex.

“We’re not against the construction pero for transparency dapat may description (We’re not against construction but for transparency there should be a description),” aniya.

BIP vs. FAP

Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit mas malaki ang pondong nakalaan sa Basic Infrastructure Program (BIP) ng DPWH kaysa sa Foreign-Assisted Programs (FAPs).

Binanggit niya na may P117.63 bilyon para sa basic infrastructure sa 2026 budget. Sa 2027 National Expenditure Program (NEP), P148.5 bilyon ang nakalaan; naging P221.07 bilyon sa bersyon ng House bill at P168.21 bilyon sa Senate committee report.

Samantala, P117.75 bilyon lamang ang inilaan sa FAPs sa NEP, na ibinaba sa P44.75 bilyon sa House budget bill at bahagyang “ibinalik” sa P77.85 bilyon sa bersyon ng Senado.

Sa bersyon ng budget bill ng Senado, tinanggal ang P99.3 bilyon mula sa mga local project line at nagdagdag ng P33.1 bilyon para sa 13 FAPs.

“Ang BIP lamang sa president’s budget while ang flagship na FAP, below the NEP? Bakit ganun ang naging kalakaran? We’re already talking of Senate version. Di ba dapat dagdagan ang FAP at bawasan ang BIP (BIP went beyond the NEP but flagship projects and FAPs went below the NEP. Why is this so? Shouldn’t it be that funding should be added for FAP and cut for BIP)?” ani Lacson.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here