RIZAL, Philippines – Arestado ang isang tricycle driver at isang referee sa sabong matapos mahuling nagnanakaw umano ng diesel mula sa nakaparadang payloader sa isang hardware sa Barangay San Jose, Baras, Rizal, nitong Huwebes, Nobyembre 26.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office, natuklasan ng 42-anyos na may-ari ng hardware na kinilalang “John” ang insidente dakong alas-5:15 ng hapon.
Sinabi ng pulisya na narinig ni John at ng kaniyang bayaw ang hindi pangkaraniwang ingay at napansin ang kahina-hinalang kilos sa imbakan ng graba at buhangin kung saan nakaparada ang payloader.
Nang puntahan nila ang lugar, naaktuhang sinisipsip ng dalawang suspek ang diesel mula sa tangke ng payloader gamit ang suction hose at inililipat ito sa mga plastik na lalagyan.
Narekober ng mga awtoridad ang tinatayang 120 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P10,080, batay sa presyong P84 kada litro. Nakuha rin ang suction hose at isang itim na Kawasaki Barako II motorcycle na umano’y ginamit sa pagdadala ng nakaw na krudo.
Nasa kustodiya na ng Baras Municipal Police Station ang mga suspek at mahaharap sa kasong theft sa ilalim ng Article 308, kaugnay ng Article 309 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951. RNT/MDS