Home NATIONWIDE Remulla, itinangging makapagpapiyansa na si Romualdez sa kasong plunder

Remulla, itinangging makapagpapiyansa na si Romualdez sa kasong plunder

1
0

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang mga kumakalat na usap-usapan na makapagpapiyansa na umano sa lalong madaling panahon si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa P7.4-bilyong halaga.

Sa kaniyang programa sa radyo nitong Sabado, sinabi ni Remulla na alam niya ang mga kumakalat na usap-usapan sa mga legal at hudisyal na sirkulo.

“Ngayon, mayroong may matinding kumakalat, ito dididretsuhin ko na: baka raw makakuha ng piyansa ‘yung isang suspek natin na nakakulong ngayon, na malaki, the biggest, in other words that’s Martin Romualdez. Pinapakalat nila ‘yan. Propaganda. Parang gusto nilang kondisyunin na ‘wag kayo magugulat kung makakuha ng [piyansa]. Pero kami we’re vigorously opposing that,” ani Remulla.

Binigyang-diin niyang hindi sila magpapadala sa umano’y propaganda at hindi masisira ang kanilang estratehiya dahil dito.

Samantala, sinabi ni Remulla na pinayagan na ng Third Division ng Sandiganbayan na alisin bilang kapwa akusado sa kaso si Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp., matapos aprubahan ang binagong charge sheet.

Nauna nang idineklarang testigo ng Ombudsman si Guevarra matapos isauli ang perang umano’y ipinroseso niya para kay Romualdez.

Ayon kay Remulla, nakatanggap umano si Guevarra ng humigit-kumulang P373 milyon, katumbas ng isang porsiyento sa bawat transaksiyong kaniyang pinangasiwaan. Tinatayang umabot sa P37 bilyon ang kabuuang halaga ng mga transaksiyon.

Ibinunyag din ni Remulla na may nagtangkang magpanggap bilang si Sandiganbayan Justice Karl Miranda upang alamin ang kinaroroonan ng testigo.

“May nag-impersonation ng isang justice… Somebody was trying to impersonate Justice Karl Miranda and trying to get the whereabouts of our witness,” ani Remulla.

Ipinahiwatig din ng Ombudsman na posibleng ginagamit ang ilang dating opisyal ng National Bureau of Investigation upang mahanap ang testigo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here