TEHRAN, Iran – Gumamit umano ang Iran ng Starlink satellite internet service ng SpaceX sa mga pag-atake laban sa mga puwersa ng United States matapos maglunsad ng airstrikes ang US at Israel laban sa Iran, ayon sa ulat ng The Washington Post nitong Sabado.
Batay sa ulat na sinipi ang mga source na may kaalaman sa usapin, nagalit umano si SpaceX CEO Elon Musk nang malaman ang dalawang hindi awtorisadong paggamit ng Starlink na iniugnay ng kaniyang team sa mga hakbang ng Iran laban sa puwersa ng US.
Nabatid din umano ni Musk na gumamit ang militar ng US ng mga one-way drone sa pamamagitan ng militarisadong bersyon ng Starlink na tinatawag na Starshield. Gayunman, mas murang planong nakalaan para sa ground operations ang ginamit, ayon sa isa sa mga source ng pahayagan.
Hindi agad nagbigay ng komento ang SpaceX at US Department of Defense sa kahilingan ng Reuters.
Sinusubaybayan ang paggamit ng Starlink sa mga lugar na may tensiyong geopolitikal, kabilang ang mga lugar na may digmaan sa Ukraine at Iran, dahil sa kontrol ng US government sa serbisyo at paggamit nito ng mga entidad na saklaw ng sanctions.
Walang lisensiya ang Starlink na mag-operate sa Iran, ngunit nauna nang sinabi ni Musk na aktibo ang serbisyo sa bansa.
Mahigpit na kinokontrol ng pamahalaan ng Iran ang internet access, lalo na sa panahon ng kaguluhan. Ayon sa The Wall Street Journal, nagpuslit ang US government ng libo-libong Starlink terminal papasok sa Iran matapos ang madugong malawakang protesta noong Enero.
Mula nang magsimula ang kasalukuyang labanan sa pagitan ng Iran, US at Israel noong huling bahagi ng Pebrero, patuloy na pinananatili ng Iran ang mahigpit na kontrol sa internet access sa bansa. RNT/MDS