MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Senior Citizens Park at community Pet Park sa Nagtahan, Pandacan, nitong Martes ng umaga.
Nabatid na ang nasabing proyekto ay tinawag na Senior Citizens’ Park and Pet Park (Plaza Azul), ay isang magkasanib na inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Budget and Management (DBM), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa talumpati ni Domagoso, nanatiling bakanteng open space ang lugar sa Pandacan sa loob ng halos tatlong taon matapos maitayo ang Skyway, na nagdulot ng kakulangan sa ilaw, matinding alikabok, at panganib sa kaligtasan ng mga residente, manggagawa, at motorista.
“Simula nang nagawa ang Skyway, dumilim. Naging mapanganib sa gabi sa nagmamaneho at naghahanapbuhay at sa mga mamamayan ng Pandacan. Hindi lang dumilim, umalikabok araw-araw. Sinisinghot ng tao sa paligid dito ang alikabok at sementong natira sa open space na ito,” ani Domagoso.
Ayon sa alkalde, personal niyang ininspeksyon ang lugar sa gabi makaraang makabalik sa puwesto dahil sa pangambang maaaring magkaroon ng aksidente, lalo na sa mga bata at senior citizen.
“Now, nung ako po ay binigyan ninyo ng pagkakataon, mga Batang Maynila, immediately I went to this area at nighttime. Sabi ko, ‘Alam niyo, ‘wag niyo nang hintayin na may tatawid na bata, may tatawid na matanda sa kalagitnaan nito at may maaksidente. Let’s address this,’” aniya.
Sinabi ni Domagoso na humingi ang lungsod ng tulong mula sa pribadong sektor upang mapabuti ang kaligtasan sa pamamagitan ng paglalagay ng ilaw sa ilalim ng Skyway.
“So that’s why sabi ko kay Ramon Ang, sabi ko, ‘RSA, baka po pwede makisuyo naman. Tutal nakapaghahanapbuhay naman kayo sa Maynila. Baka puwede ilawan natin ‘yung ilalim ng Skyway.’ Tinugon. 20.8 million pesos ang binigay ni Ramon Ang sa Lungsod ng Maynila. Ano naging resulta? Lumiwanag ang boundary ng Manila hanggang dito sa dulo sa likod natin,” aniya.
Dagdag pa ng alkalde, idinisenyo rin ang proyekto upang tugunan ang kakulangan ng mga open space sa Pandacan, lalo na para sa mga senior citizen na nangangailangan ng ligtas na lugar para sa araw-araw na ehersisyo at mga aktibidad pangkalusugan.
“Baka puwede tayong magtayo doon para sa mga paborito kong Senior Citizen na kapag hapon, umaga, lalo na mga alas-sais ng umaga, mag-stretching. Gawa tayo ng Senior Citizen Park wherein they can create their own activities, calisthenics, and so on and so forth on a regular basis, and create open green space,” ani Domagoso.
Kasama rin sa development ang pagtatayo ng Pet Park na nakalaan para sa mga komunidad sa lungsod, kung saan maaaring dalhin ng mga residente ang kanilang mga alagang hayop sa isang pinagsasaluhang pampublikong espasyo.
“Usually nangyayari ‘yan sa mayayamang subdivision at sa ibang bansa. Talagang may pet park where people and animals can go stroll around. Sabi ko dito, gawa tayo mismo para sa mga hayop,” aniya.
Binigyang-diin din ng alkalde ang papel ng Local Government Support Fund (LGSF), na aniya’y nagbibigay-daan upang matulungan ng pambansang pamahalaan ang mga lokal na pamahalaan sa panahon ng emerhensiya at sa pagpapatupad ng pangmatagalang mga programa sa kaunlaran.
“Ang DBM ay pag-asa ng mga lokal na pamahalaan. There is a few billions of pesos regularly for what you call the LGSF account. Itong pondo na ito ay ginagamit pangtulong ng Pangulo ng Bansa sa mga lokal na pamahalaan,” ayon pa kay Yorme.
Pahayag pa ni Domagoso, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking pagpapalawak ng LGSF para sa 2026 upang higit na mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng dagdag na pondo.
“But that particular fund for 2026, because of what happened last year, the President, President Bongbong Marcos, opted to divert its goal from unnecessary or until resolved flood control scandal. Ang ginawa niya, in-empower niya ngayon ‘yung mga lokal na pamahalaan by providing almost 400% growth sa pondo ng LGSF,” aniya.
Inilarawan ni Domagoso ang proyekto bilang halimbawa ng mahusay na ugnayan ng iba’t ibang ahensya, at pinuri ang MMDA sa pagdoble ng pondo ng lungsod matapos ibalik ng Maynila ang unang alokasyon.
Ayon pa kay Yorme, inaasahang makababawas ang parke sa alikabok, magpapabuti sa kalidad ng hangin, at magbibigay ng mas ligtas at luntiang espasyo para sa mga pamilya, senior citizen, at pet owners sa Pandacan at mga karatig na komunidad.
“Promise, titigil na ang alikabok. You will have more fresh air, more green space for your kids, sa mga apo ninyo, sa mga anak ninyo, sa pamilya ninyo,” ani Domagoso. JAY Reyes