MANILA, Philippines – Sinabi ng isang mataas na opisyal ng Philippine Navy nitong Martes na may kakayahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na protektahan ang bagong tuklas na natural gas reservoir sa Malampaya East-1 sa labas ng baybayin ng Palawan.
Ani Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, ang monitoring ay nakabatay sa kakayahan at hindi sa dami, at may kapasidad ang AFP na subaybayan ang Malampaya East-1 na nasa humigit-kumulang limang kilometro mula sa kasalukuyang proyekto ng Malampaya. Ang Western Command (Wescom) at Joint Task Force (JTF) Malampaya ang itinalagang magbabantay sa lugar.
“The AFP has the monitoring and response capability through JTF Malampaya,” ani Trinidad, at idinagdag na ang Wescom ang hahawak sa detection at response kung susubukan ng Chinese maritime forces na mangharass. Aniya, handa ang AFP na suportahan ang anumang pagtaas ng operasyon.
Sinabi naman ni Navy spokesperson Captain Marissa Martinez na may mga asset ang Navy na nakatalaga sa Wescom para magsagawa ng tuloy-tuloy na patrol sa lugar. Ayon sa kanya, higit sa isang dekada nang may patuloy na presensya ang Navy sa Malampaya sa pamamagitan ng JTF Malampaya gamit ang surface, air, at special operations assets.
Binanggit din ni Martinez ang modernisasyon ng Navy, kabilang ang bagong offshore patrol vessel na BRP Rajah Sulayman (PS-20) na dumating sa Naval Operating Base Subic noong Enero 17 at pormal na sinalubong noong Enero 20.
Tinatayang may 98 bilyong cubic feet ng gas ang Malampaya East-1 at bahagi ito ng Malampaya Phase 4 drilling campaign na kinabibilangan ng Camago-2, Camago-3, at Bagong Pag-asa wells. Isinasagawa ang proyekto ng SC3A consortium na pinamumunuan ng Prime Energy kasama ang UC38, PNOC Exploration Corporation at Prime Oil & Gas Inc. Dave Baluyot