Home HOME BANNER STORY Viral trayk drayber ‘di nag-counterflow, pero paso lisensya

Viral trayk drayber ‘di nag-counterflow, pero paso lisensya

194
0

MANILA, Philippines – Nakalusot man sa paratang na counterflow, nadiskubre na paso na ang lisensya at mayroon pang ilang mga pagkakasala ang viral na tricycle driver na nang-asar pa umano sa ibang motorista sa North Avenue sa Quezon City.

Kinumpirma ng Quezon City Traffic and Transport Management Department (QCTTMD) na two-way ang daloy ng trapiko sa bahagi ng North Avenue malapit sa North Triangle Common Station noong mangyari ang insidente dahil sarado ang isang lane bunsod ng konstruksyon.

Sa isang ulat, iginiit ng viral na trayk driver na hindi naman ipinakita sa bidyo ang kabuuan at tunay umano na nangyari.

“Siya yung counterflow, hindi naman ako yung counterflow doon eh,” aniya, patungkol sa motoristang nag-record at nag-upload ng video. Ayon pa sa kanya, hinarap siya ng motorista at pinagsisigawan matapos siyang akusahan ng pag-counterflow.

“Basta pagbabang-pagbaba niya po, pasigaw po na minura po ako, ‘Bakit hindi ka umatras?’ … Sabi niya, one-way daw, hindi naman po one-way ‘yun eh,” dagdag ng driver.

Inamin niyang nainis na siya noon kaya ganoon ang naging reaksiyon niya sa video kung saan siya pumalakpak at nagsabing, “Palakpakan!”

Ikinuwento rin ng driver na labis siyang naapektuhan ng batikos at mga banta na natanggap nila ng kanyang pamilya online.

“Ako yung sinisisi. Tapos may mga banta rin sa akin, kung ano ano ang sinasabi. Eto siyempre nakakaano ko sa akin ‘yun,” aniya, at sinabing pati ang kanyang anak ay nagalit nang mapanood ang video.

Bagama’t walang nakitang paglabag na counterflow, sinabi ng QCTTMD na may iba pang kasong kinakaharap ang driver, kabilang ang pagmamaneho na may expired na driver’s license, expired na rehistro ng sasakyan, at pagdaan sa North Avenue na isang national road na ipinagbabawal sa mga tricycle.

“Tricycle ban, expired driver’s license, inappropriate, invalid driver’s license because hindi siya dapat namamasada,” pahayag ni QCTTMD head Dexter Cardenas.

Ipinatawag ng QCTTMD ang driver at ang kanyang ama na rehistradong may-ari ng tricycle. Inamin ng ama ang mga paglabag at sinabing haharapin nila ang mga ito sa Land Transportation Office, na naglabas ng show cause order kaugnay ng viral video. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here