MANILA, Philippines – Isinulong ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang isang panukalang batas na naglalayong ibalik ang integridad ng party-list system at pigilan ang pagsasamantala nito ng mga opportunista at political operators.
Ang inihain niyang amyenda sa Republic Act 7941 o ang Party-List System Act ay House Bill 7205 o ang “Ang Totoong Party-List Act.”
Layunin ng panukala na tiyakin na ang mga puwesto sa party-list ay mapupuno lamang ng tunay na kinatawan ng mga marginalized at underrepresented sectors.
“This bill aims to preserve the foundation of the party-list system as a genuine instrument of social justice, inclusivity, and democracy. Hindi dapat bigyan ng puwang sa Kongreso ang mga huwad at nagpapanggap na party-list na ang tunay na pakay ay magpayaman, protektahan ang negosyo at palakasin ang poder ng pamilya at ng kanilang mga kaalyado sa politika,” ayon kay De Lima.
Nagtatakda ang panukala ng mga tiyak na diskwalipikasyon para sa mga nominado na may kaugnayan sa mga incumbent officials hanggang ika-apat na antas ng consanguinity o affinity, maliban sa mga opisyal ng local council at barangay.
Kasama rin dito ang mga naging government contractors o may kaugnayan sa mga contractor hanggang ikalawang antas ng consanguinity o affinity.
Ipinanunukala rin nito ang mas mahigpit na proseso ng Comelec sa pagpaparehistro ng party-list, na kinakailangang dumaan sa isang evidentiary public hearing upang matiyak kung tunay na kumakatawan ang grupo at ang kanilang mga nominado sa marginalized sectors.
Binibigyang-linaw din ng panukala ang mga kwalipikasyon at takdang panahon ng nominasyon upang maiwasan ang paggamit ng mga substitute na walang tunay na sectoral affiliation.
Ipinagbabawal din ng HB 7205 ang paggamit ng mga pangalan o acronym ng mga ahensya ng gobyerno, mga pampublikong personalidad, o programa sa media upang hindi maligaw ang publiko.
Nagpapakilala rin ito ng “manifest failure to represent” bilang dahilan para ikansela ang rehistrasyon, na tinutukoy bilang hindi pag-file ng hindi bababa sa 50 porsyento ng legislative outputs na tumatalakay sa isyu ng sektor sa bawat Kongreso.
“Let us implement the true intent of the Constitution – for the party-list system to serve as a platform for marginalized sectors to be heard, not as a platform for traditional politicians and political dynasties to consolidate wealth and power,” dagdag pa ni De Lima. RNT