Home NATIONWIDE Pagbibigay access sa phonebook, photo gallery sa online lending apps, ibinabala ng...

Pagbibigay access sa phonebook, photo gallery sa online lending apps, ibinabala ng NPC

512
0

MANILA, Philippines – Binalaan ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko na maging maingat sa pag-aapply ng pautang sa online lending apps, lalo na kapag humihiling ang mga ito ng access sa phonebook at photo gallery ng user.

Sinabi ni NPC Deputy Commissioner Jose Amelito Belarmino II na karaniwang humihingi ng malawak na permiso ang mga ilegal na lending app para ma-access ang telepono ng borrower.

“Isang sign na huwag niyo nang ituloy ay kapag hinihingi po yung permiso niyo para ma-access ang inyong phonebook at inyong photo gallery, at hinihingi yung consent niyo for everything,” ani Belarmino.

Binalaan niya na ang pagbibigay ng ganitong access ay nagiging daan para mangharass ang mga lenders at mag-debt shame.

Ayon sa NPC, tumatanggap sila ng maraming reklamo na ina-access ng mga kumpanya ang phonebook, photo gallery, at maging social media accounts ng mga borrower. Kapag hindi nakabayad, maaaring magpadala ang app ng mensahe sa mga tao sa contact list tulad ng katrabaho, kaopisina, at pamilya.

Sinabi rin ni Belarmino na may mga app na nagpo-post ng debt-related content sa social media ng borrower at gumagamit ng iba pang uri ng harassment, kabilang ang tuluy-tuloy na tawag o text sa mga nasa contact list na hindi naman guarantor sa utang.

Ayon sa NPC, nakikipag-ugnayan ito sa Department of Justice, Securities and Exchange Commission, Department of Information and Communications Technology, at Philippine National Police upang labanan ang ilegal na online lending.

Sinabi rin ng komisyon na 24/7 nilang binabantayan ang online activity para sa data breaches at maling paglabas ng impormasyon, at pinaalalahanan ang mga data controller na tiyaking may sapat na security measures at gamitin ang data lamang para sa lehitimong pagproseso.

Aniya, maaaring pagmultahin administratibo o kasuhan kriminal ang mga ilegal na online money lender. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here