MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City police ang tinaguriang top 1 most wanted person (MWP) sa ikinasang Oplan Galugad/Manhunt Operation Lunes ng hapon, Enero 19.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Jovert, 19, residente ng Protacio St., Barangay 114, Pasay City.
Base sa isinumiteng report ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pagdakip sa suspek bandang ala 1:30 ng hapon sa Gideon St., Barangay 90, Pasay City.
Ayon kay De Sesto, si alyas Jovert ay may kinahaharap na dalawang kaso ng rape na may Criminal Case No. R-PSY-26-00065-CR, R-PSY-26-00066-CR.
Sa bisa ng isinilbing warrant of arrest ng mga tauhan ng WSS na inisyu noong Enero 14, 2026, ni Pasay City Family Court Presiding Judge Jehan Batua Sampao-Hassiman ng Branch 11 ay naisakatuparan ang pag-aresto kay alyas Jovert na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng WSS ang suspek habang naghihintay ng commitment order ng korte para sa paglipat ng kanyang pagkukulungan sa Pasay City Jail. (James I. Catapusan)