Home NATIONWIDE ‘Minority report’ sa flood control mess, ‘kabastusan’ sa Senate Blue Ribbon –...

‘Minority report’ sa flood control mess, ‘kabastusan’ sa Senate Blue Ribbon – Lacson

201
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules na itinuturing niyang kawalan ng paggalang sa Senate blue ribbon committee, na kanyang pinamumunuan, ang minority report ukol sa flood control scandal at walang bisa ito.

Ayon kay Lacson, wala sa mga alituntunin ang pagkakaroon ng minority report at hindi niya alam kung bakit ito biglang lumitaw.

“Wala naman sa rules ‘yan, eh. Hindi ko alam kung bakit biglang nagkaroon ng minority report. So, wala. Wala lang. Pinadala niya sa blue ribbon (committee). Anong gagawin ko roon?” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, hindi niya maibibigay ang respeto sa isang dokumentong “symbolizes disrespect” sa komite.

“How would they expect na irerespeto ko ‘yung kanilang minority report even as a reference kung ‘yung minority report mismo symbolizes o nagsi-symbolize ng disrespect ‘yun eh sa committee? Papaano ko rerespetuhin ‘yun?”

Inilabas nina Senador Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta ang naturang report noong Miyerkules, na nilagdaan ng anim sa siyam na miyembro ng minority bloc.

Hindi pumirma si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ayon sa report, ito ay isinumite kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III noong Disyembre 10, 2025.

Sinabi ni Sotto na ang dokumento ay ipinasa sa blue ribbon committee, bilang tamang tanggapan para sa mga isinumiteng dokumento kaugnay ng kasalukuyang pagdinig sa flood control issue, at ito ay “piece of paper” lamang hangga’t hindi tinalakay sa plenaryo.

Isa sa pangunahing natuklasan sa report ay ang pag-ugat ng kontrobersiya kay dating Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.

Iginiit ni Romualdez na hindi siya kasangkot.

Ayon kay Lacson, maaaring muling imbitahan ang dating speaker sa susunod na pagdinig ng blue ribbon committee, ngunit sinabi niyang hindi siya maaaring pilitin dumalo dahil sa inter-parliamentary courtesy na sinusunod ng parehong Kapulungan ng Kongreso. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here