Manila, Philippines – “Disturbing” at “nakakapikon” ang mga salitang ginamit ni Maritess Gutierrez sa aniya’y panggagamit sa pangalan ng kanyang ina para pagkakitaan, kahit patay na ito.
Si Maritess ang nag-iisang anak ng dating movie queen na si Gloria Romero at ng aktor na si Juancho Gutierrez.
Nakarating kay Maritess ang impormasyon tungkol sa isang fake online article na nagsasabing makakakuha siya ng bilyun-bilyong piso mula sa isang investment platform.
Ayon sa pekeng balita, makakatanggap daw siya ng P7.2 billion mula sa naiwang yaman ng kanyang ina—na mariing itinanggi ni Maritess.
Nakakabahala daw ito, ayon pa rin kay Maritess.
“I don’t know what these people want. Isinali na naman ang name ng mama ko, for what?” aniya sa report ng ABS-CBN.
Inamin din niya na nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan at ng kanyang pamilya dahil sa nangyayari.
Bukod dito, nagdudulot din daw ito ng anxiety sa kanya.
Simple lang daw ang pamumuhay nilang mag-ina. May anak si Maritess na si Chris.
Nagko-commute lang daw siya papunta sa trabaho via LRT para iwas-traffic.
Si Gloria Romero—o mas kilala sa showbiz bilang Tita Glo—ay pumanaw noong January 25 last year.
Humiling si Maritess ng respeto para sa kanyang ina.
Ronnie Carrasco III