MANILA, Philippines – Personal na nagsumite si Senador Joel Villanueva ng kanyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes kaugnay ng malversation complaint na inihain laban sa kanya ukol sa umano’y anomalya sa mga flood control projects, ayon sa Justice spokesperson na si Polo Martinez.
“He filed his counter ahead of the PI (preliminary investigation) this Monday,” ani Martinez sa mga reporter.
Si Villanueva ay respondent sa tatlong reklamo kaugnay ng umano’y ghost flood control projects sa Bulacan na may kinalaman sa mga contracting firms na Wawao Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc.
Binigyan siya ng hanggang Enero 26 upang magsumite ng counter-affidavit sa isa sa mga kaso matapos siyang bigyan ng extension.
Nitong unang bahagi ng buwan, nagsumite na si Villanueva ng counter-affidavit para sa graft complaint na nagsasabing may delivery ng humigit-kumulang P150 million na kickbacks mula sa isang flood control project.
Naituro si Villanueva sa kontrobersiya ni dating Bulacan first district engineer na si Henry Alcantara noong Setyembre 2025, na kalaunang natanggal sa serbisyo. Iginiit ng senador na wala siyang itinatago.
Naituro rin si Villanueva sa isyu ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez, subalit tinawag ng senador na “demolition job” ang mga paratang. RNT