Home HOME BANNER STORY Amihan, shear line magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

Amihan, shear line magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa

199
0

MANILA, Philippines – Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), inaasahang magdadala ng mga pag-ulan ang amihan at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado.

Magiging maulap na may pag-ulan sa mga sumusunod na lugar sa Luzon: Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon Province, Oriental Mindoro, Marinduque, at Bicol Region.

Ang natitirang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may tsansa ng mahinang ulan.

“For Metro Manila, it’s cool weather, 22°C to 29°C,” sabi ni Pagasa weather specialist Estareja.

Sa Palawan at Visayas, bahagyang maulap hanggang maulap ang panahon na may posibilidad ng mahinang ulan, ngunit posibleng magkaroon ng malalakas na pag-ulan sa Eastern Samar at Southern Leyte dahil sa shear line.

Sa Mindanao, mataas ang tsansa ng pag-ulan sa Caraga Region, Davao Region, Camiguin, Bukidnon, at Misamis Oriental dahil pa rin sa shear line.

Ang iba pang bahagi ng Mindanao ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan sa umaga hanggang hapon, at maulap na may mga pulo-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog pagsapit ng hapon hanggang gabi.

Samantala, ang low-pressure area (dating Cyclone Ada) na nasa loob ng Philippine area of responsibility at huling namataan 560 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur ay nananatiling “unlikely” na muling maging tropical depression.

Ayon kay Estareja, may mataas na posibilidad na mawala ito sa mga susunod na araw habang dumaraan malapit sa silangang bahagi ng Mindanao.

Dahil sa patuloy na epekto ng amihan, naglabas ang Pagasa ng gale warning na may taas ng alon na 2.8 hanggang 4.5 metro sa mga baybayin ng Catanduanes, Northern Samar, Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Pinayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot dahil mapanganib pa rin ang kondisyon ng dagat at posibleng masuspinde ang biyahe. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here