BACOLOD CITY, Philippines – Magkakaroon ng bagong tatlong-palapag na istasyon ng pulisya sa Barangay Cabug ang Bacolod City Police Office (BCPO) na nagkakahalaga ng halos P10 milyon.
Ito ay bahagi ng pagsuporta sa operasyon ng Police Station 9, na kasalukuyang nasa Araneta St., Barangay Sum-ag.
Ani Police Brig. Gen. Arnold Thomas, PRO-NIR Director, “The construction of Police Station 9 reflects the belief that effective policing begins with a system that supports its personnel. A police station is not merely a structure but a place where duty and service to the people begin, strengthening public trust.”
Ang groundbreaking at paglalagay ng time capsule ay dinaluhan nina Police Col. Gilbert Gorero, BCPO Director Police Col. Joeresty Coronica, at Mayor Greg Gasataya.
Ayon kay Lt. Col. Joem Malong, PRO-NIR spokesperson, inaasahang matatapos ang istasyon sa loob ng 240 araw. Inaasahan rin na mapapabuti ang response time at mas malapit ang serbisyo ng pulis sa mga residente, lalo na sa mga mataong lugar at bagong develop na barangay.
Sakop ng Police Station 9 ang Barangays Cabug, Sum-ag, at Punta Taytay. Sa kabuuan, may 10 police stations ang BCPO, kung saan apat ang may standard-type PNP buildings. Kasama rito ang Police Stations 5, 7, 10 at ang Bacolod City Mobile Force Company sa Barangay Alangilan. Plano ring ilipat ang Police Station 3 sa standard-type building.
Noong nakaraang linggo, ini-turn over ni Mayor Gasataya ang 40,800 9mm training ammunition, 36 personnel computers, at 34 printers sa BCPO. Ani ni Coronica, “These are vital to improving daily police work and strengthening training, especially for Special Weapons and Tactics personnel.” RNT/MND