Home METRO 1 sa 9 suspek na nangholdap, tumangay ng higit P6-M sa Pasay,...

1 sa 9 suspek na nangholdap, tumangay ng higit P6-M sa Pasay, nalambat sa Laguna

261
0

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang follow-up operations ng Pasay City police ang isa sa siyam na suspek na nangholdap sa negosyanteng Filipino-Malaysian vlogger at tatlo niyang kasamahan na natangayan ng mahigit P6-milyong halaga ng pera at alahas sa Pasay City Miyerkules ng gabi, Enero 21.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas John, 22, walang trabaho at residente ng M. Dela Cruz Street, Barangay 132, Pasay City.

Makaraan ang kanyang pagkakaaresto ay ibinunyag ni alyas John ang kanyang mga kasabwat sa panghoholdap na ang isa sa kanila ay ang kanyang nakatatandang kapatid na alyas Ralph, 24, ng Leveriza Street, Pasay City; magkapatid na sina alyas Edmund at isang alyas Bianca na live-in partner ni alyas Ralph; alyas Andrea na live-in partner naman ni alyas Edmund; alyas Aljohn ng Taytay, Rizal; alyas Bino, ng Facundo Street, Pasay City; alyas Bais, ng Lipa City, Batangas; at isang alyas Omay, residente ng M. De La Cruz Street, Pasay City.

Nakilala naman ang apat na biktima na sina alyas Gemel, 24, vlogger na ang negosyo ay may kinalaman sa pagbebenta ng ginto, residente ng Baes St., San Gregorio Village, Pasay City; alyas Hero, 24, negosyante, ng San Gregorio Village, Pasay City; alyas Jerwin, 34, driver, ng Purok Uno, Sampaguita St., Pila, Laguna; at alyas Led, 24, negosyante, residente ng Interior Dimasalang St., Pasay City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto sa Southern Police District (SPD) at NCRPO, naganap ang insidente ng panghoholdap ng mga suspek sa mga biktima bandang alas 10:19 ng gabi sa kahabaan ng BAC 1-11, Andrews Avenue, Barangay 190, Pasay City.

Sa nakalap na CCTV footage sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ay hinarang ng isang kulay itim na sasakyan ang Toyota Fortuner lulan ang mga biktima na minamaneho ni alyas Jerwin kung saan mabilis na nakatunog ang huli at si alyas Led sa masamang intensyon ng mga suspek kung kaya’t mabilis na nakalabas ng sasakyan at nakatakbong papalayo sa lugar ang mga ito at naiwan sa loob ng sasakyan sina alyas Gemel at alyas Hero.

Sa pagkakataong ito ay minaneho at tinangay na ng isa sa mga suspek ang sasakyan ng mga biktima na kasama sina alyas Gemel at alyas Hero.

Sinabi ni De Sesto na sa ikinasang follow-up operation ay narekober ang abandonadong sinakyan ng mga biktima makaraan lamang ang isang oras sa Tejeron Street, Barangay 792, Sta. Ana, Manila.

Sa pahayag nina alyas Gemel at alyas Hero, bago pa man sila mailipat sa sasakyan ng mga suspek noong nasa sa Sta. Ana, Manila pa sila ay sinamantala nila ang pagkakataon matapos na malaman nilang hindi naka-lock ang pinto ng kanilang sasakyan kung kaya’t agad silang tumakas.

Ayon naman kay De Sesto, lingid sa kaalaman ng mga suspek ay mayroong GPS tracker ang bag ng mga biktima na pinaglagyan ng P5,780,000 cash at P1,000,000 halaga ng mga alahas na tinangay ng mga suspek kung kaya’t natunton ang kinaroroonan nito sa DMJ Aleta Midway Ausley Private Resort, Brgy. Pansol, Laguna.

Makaraang makumpirma ang kinaroroonan ng bag na tinangay ng mga suspek ay agad na nagsagawa ng dragnet operation ang Pasay City police at sinalakay ang lugar na nagresulta ng pagkakadakip kay alyas John.

Sa ikinasang operasyon ay narekober sa posesyon ni alyas John ay P79,000 na tig-P1,000 na pinaniniwalaang parte ng suspek sa ginawang panghoholdap; P1,100 na tig-P100; 1 gold necklace; 1 gold bracelet; Casio wristwatch; iPhone 15; at isang granada.

Patuloy ang pagtugis ng Pasay City police sa walo pang suspek na nananatiling nakalalaya habang kasalukuyan namang nakapiit sa custodial facility ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) si alyas John na nahaharap sa mga kasong robbery in band sa Pasay City Prosecutor’s Office at hiwalay na kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) sa Laguna Provincial Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here