MANILA, Philippines – Pansamantalang naantala ang pagresponde ng isang fire truck sa sunog sa Bacood, Sta. Mesa noong January 20, 2026, matapos humarang ang isang motorsiklo sa kalsada.
Makikita sa video ni Deputy Fire Chief Cedric Antiojo ng Elyse Fire Rescue Volunteer ang motorsiklo na hindi tumabi kahit paulit-ulit bumubusina ang fire truck bilang hudyat ng emergency response. Hindi pa matukoy ang motorista.
Ayon sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code, may right of way ang mga emergency vehicle tulad ng fire truck, ambulansya, at pulis kapag rumeresponde sa insidente. Obligado ang mga motorista na tumabi sa gilid ng kalsada at huminto upang bigyang-daan ang paparating na emergency vehicle.
Paliwanag ni BFP Public Information Service Chief Fire Superintendent Anthony Arroyo, kritikal ang bawat minuto sa pagresponde ng bumbero dahil mabilis kumalat ang apoy. “Pakiusap namin na kapag we are responding to any fire incident ay magbigay-daan para kami po ay makarating agad kung saan kinakailangan ang aming agarang tulong,” ani Arroyo.
Binanggit din niya ang RA 9514 o Fire Code of the Philippines, na nagsasaad na ang pagpigil o pagharang sa operasyon ng fire service ay may katumbas na parusa sa batas.
Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na ang hindi pagbigay-daan sa kalsada ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagresponde at maglagay sa panganib sa buhay at ari-arian. RNT/MND