MANILA, Philippines – Patay ang mag-asawang senior citizen matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa residential area sa Barangay Tejeros, Makati City nitong Sabado, Enero 24.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente madaling araw kung saan hindi bababa sa 126 pamilya o halos 400 indibidwal ang nawalan ng tirahan.
Wala namang nailigtas na gamit ang mga nasunugan.
Mayroon namang nagtamo ng galos sa binti matapos tumalon sa creek dala-dala ang anim na taong gulang na apo.
Sa kabuuan ay may anim na naitalang sugatan sa insidente.
Samantala, ang dalawang nasawing senior citizen ay na-trap nang matupok na ang kanilang bahay.
Hindi naman nagbigay ng panayam ang mga kaanak ng mga biktima.
“Bedridden na ‘yung isa raw. Hawak daw ng apo. Sabay silang bumaba pero naiwan talaga dahil mabilis na kumalat ang apoy. Hindi na kaya,” pagbabahagi ni SFO1 Jomhar Tuburan, Fire Investigator ng Bureau of Fire Protection Makati.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa pawang gawa sa light materials ang naturang mga bahay at makitid din ang mga kalsada sa mga nakaparadang sasakyan na mas nagpahirap sa responde.
“May posibilidad na gumamit sila ng pang-ilaw na puwedeng kandila, puwedeng gasera, puwede ring sigarilyo,” sabi ni Tuburan.
Umabot ang sunog sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula alas-7 ng umaga. RNT/JGC