Home NATIONWIDE Saksi ng prosecutor, ‘di sinabing natanggap ni ex-Speaker Romualdez ‘maleta’ ng pera

Saksi ng prosecutor, ‘di sinabing natanggap ni ex-Speaker Romualdez ‘maleta’ ng pera

1
0

MANILA, Philippines – Walang sinabi ang isang saksi ng prosecution sa Sandiganbayan Third Division na nakita o personal na natanggap ni dating Speaker Martin Romualdez ang mga idineliber na maleta ng pera sa tatlong magkakahiwalay na lugar.

Sa bail petition hearing ni Romualdez, sinabi ng dating Marine na si Rodante Orbillo na nagmaneho siya ng mga sasakyang may lamang mga maleta patungong McKinley Road at Narra Avenue sa Forbes Park, Makati, pati na sa Aguado Street sa Maynila.

Subalit sa pagtatanong ng prosecution, hindi naituro ni Orbillo na naroon si Romualdez o personal nitong tinanggap ang mga bagahe.

Sinabi ng saksi na nakagawa siya ng 10 paghahatid sa McKinley, isa sa Narra, at isa sa Aguado.

Nang tanungin ni Sandiganbayan Third Division Chairperson at Associate Justice Karl Miranda kung bakit siya nagtestigo sa kabila ng alok na pera kapalit ng pananahimik, sinabi ni Orbillo: “Kung kumagat po kami sa offer nilang iyon, wala na pong magsasalita sa nangyaring korapsyon sa flood control.”

Pinagsabihan naman ng judge ang saksi na magsalita lamang para sa kanyang sarili.

Nang sumagot ang saksi na ginagawa niya ito “para sa bayan,” sinabi ni Miranda na madaling magbitiw ng ganoong pahayag lalo na kung malaking pera ang sangkot.

Sa pagpapatuloy ng litis, kinwestyon ng abogado ni Romualdez na si Atty. Rashel Ann Pomoy ang kredibilidad ng Pebrero 2026 joint affidavit na nilagdaan ng 18 dating bodyguard ng nagbitiw na si Ako Bicol Rep. Zaldy Co, kabilang si Orbillo.

Binanggit ni Pomoy ang pahayag ng abogado ng mga bodyguard na si Atty. Levito Baligod na may mga mali sa affidavit, tulad ng maling pagdawit kina Sen. Loren Legarda at dating Rep. Leila de Lima.

Ayon sa depensa, ang naturang pahayag ang naging batayan ng kasong plunder laban sa dating Speaker.

Inamin ni Orbillo na alam niya ang sinabi ni Baligod tungkol sa mga mali sa affidavit. Bagamat nag-object ang prosecution, iginiit ng depensa na may karapatan silang tanungin ang saksi dahil isa ito sa mga pumirma sa dokumento.

Binanggit din ng depensa ang pagbawi ng pahayag nina Mark Bunagan at Dennis Loma, na sinabi ni Orbillo sa kanyang August 2026 affidavit na kasama niya sa paghahatid ng pera.

Sinabi ni Orbillo na hindi niya alam ang pagbawi ng dalawa.

Subalit inamin ng saksi na batid niya ang pagbawi rin ng pahayag ng iba pang pangunahing saksi sa flood control scam na sina Orly Guteza, Rosebert Waupan, at Benny Boluntante. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here