Bulacan – Himas-rehas ang tatlong tambay na indibiduwal nang mahuling humihithit ng iligal na droga ng mga awtoridad sa pot session sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong hapon ng Enero 23.
Kinilala ng pulisya ang mga binatang suspek na sina alyas “Kiel”, 36, alyas “Roger”, 27 at alyas “JF”, 19, kapwa unemployed at pawang mga residente ng Brgy. Muzon East.
Sa ulat, ikinasa ang operasyon ng mga awtoridad bandang 4:20 ng hapon sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, habang nagpapatrolya ang mga pulis ay isang tawag ang kanilang natanggap sa barangay tanod na nagsabing may nagaganap na pot session sa nasabing lugar.
Dahil dito, tumungo ang mga pulis sa lugar para beripikahin hanggang sa tumambad sa kanila ang mga suspek na naaktuhang humihithit ng iligal na droga kaya agad nila itong inaresto.
Nasamsam sa lugar ang small heat-sealed cut-opened transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, glass pipe na umanoy may residue, lighter.
Sa protective search, nahulihan pa ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa coin purse si alyas “Kiel” kaya umabot ng isang gramo ang kabuuang timbang at may standard drug price na P6,800 ang nasamsam ng iligal na droga.
Sinasabing ipinaalam ng mga awtoridad sa mga suspek ang kanilang mga karapatan at kanilang kakaharaping kaukulang kaso habang nasa kustodiya ng istasyon. Dick Mirasol III