MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni dating NBI-NCR director Ricardo Diaz ang pahayag na mandatory retirement ni dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III matapos siyang italaga sa MMDA.
Ayon kay Diaz, ang appointment ni Torre ay maaaring isang “secondment,” karaniwang practice sa gobyerno kung saan ang isang opisyal ay pansamantalang inililipat sa ibang ahensya habang nananatiling nasa payroll ng parent agency.
“Secondment ay temporary detail ng personnel mula sa parent agency papunta sa host agency para sa specific task. Ang seconded officer ay nananatili sa payroll ng parent agency at tumatanggap lang ng allowance mula sa host agency,” paliwanag ni Diaz.
Tinanggihan naman ito ng PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño: “No, [it is] not a secondment. He is retired effective December 26, 2025.”
Sinabi rin ni Torre na hindi siya nag-sign ng retirement at naghihintay pa ng instruction mula kay Pangulong Marcos bago magdesisyon.
“Hindi naman first time ‘yan na ang isang pulis ay nagtrabaho sa ibang agencies… high-ranking police officers na 10 years nag-stay sa BI, sa Bureau of Immigration,” dagdag niya. RNT/MND