MANILA, Philippines – GANAP na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga opisyal na ipinagtatatnggol ang soberanya ng Pilipinas kaugnay sa West Philippine Sea (WPS) hangga’t ang aksyon ng mga ito ay nakaayon sa adbokasiya ng bansa na ipaglaban ang karapatan ng bansa.
Tugon ito ng Malakanyang matapos ipatawag ng Foreign Ministry ng Tsina si Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz kaugnay sa akusasyon laban kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nagsasagawa umano ng smear campaign laban sa China.
“Unang-una po, ang Pangulo po, siya po ang nagsabi na hindi niya po isu-surrender even an inch of our territory. So, anuman po ang ginagawa ng ating mga ahensiya upang ipaglaban ang interes ng ating bansa—iyan po ang nais ng Pangulo at iyan din po ang utos ng Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“But manananatili pa rin po na diplomasya ang kailangan para kung mayroon mang issues sa ibang bansa ay maayos po in a way na dapat may kasamang diplomasya,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, nanindigan si China Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun sa seryosong posisyon ng China laban sa mga pahayag ng aniya’y tagapagsalita ng PCG at nitong umaga aniya ipinatawag ang Ambassador ng Pilipinas sa China para muling maghain ng seryosong protesta.
Subalit nauna ng iginiit ni Tarriela na hindi pagdungis o paninira ang kaniyang mga inilalathalang posts, kundi mga totoong nangyayari sa West Philippine Sea na suportado ng mga ebidensiya tulad ng mga video, larawan, official reports mula sa PCG at third-party observations.
“since this concerns me personally, I would like to respond by saying that threatening a public servant for telling the truth will not intimidate us,” ayon kay Tarriela.
“It only proves that transparency is working — and that China fears an informed world more than it fears international law…Transparency in the WPS is not provocation rather it is merely exposing the bully aggressor and the real victim,” dagdag na wika nito. Kris Jose