Home TOP STORIES Goitia: West Philippine Sea, Karapatan ng Pilipinas na pinagtitibay ng batas

Goitia: West Philippine Sea, Karapatan ng Pilipinas na pinagtitibay ng batas

234
0

MULING uminit ang isyu sa West Philippine Sea (WPS) matapos ang palitan ng pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan at ng Chinese Embassy, kaugnay ng insidenteng kinasangkutan ng umano’y pagtulong ng Chinese Navy sa isang Pilipinong mangingisda.

Ito’y kasunod ng isang kolum ni Charlie V. Manalo na naglatag ng mga pananaw na umaayon sa naratibo ng China, kabilang ang paniniwalang wala umanong legal na batayan ang terminong WPS, bukas sa lahat ang exclusive economic zone (EEZ), at hindi ganap na binding ang 2016 arbitral ruling.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw sa batas internasyonal na mali ang mga pahayag na ito.

Bagama’t itinakda ang terminong West Philippine Sea sa pamamagitan ng Administrative Order No. 29 (2012), iginiit ni Goitia na ang karapatan ng Pilipinas ay hindi nagmumula sa pangalan kundi sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), na nilagdaan ng Pilipinas at China.

Sa ilalim ng UNCLOS, may malinaw na saklaw ang EEZ na 200 nautical miles, at pinagtibay ng 2016 Arbitral Award na ang Recto Bank at ilang maritime feature malapit sa Palawan ay saklaw ng EEZ ng Pilipinas.

Bagama’t hindi soberanong teritoryo ang EEZ, may eksklusibong karapatan ang Pilipinas sa likas-yaman nito at hindi maaaring magsagawa ng pananakot, militarisasyon, o law-enforcement activities ang ibang bansa rito.

Dagdag ni Goitia, hindi maaaring gamitin ang tinatawag na humanitarian act bilang palusot upang gawing lehitimo ang presensya ng dayuhang puwersa sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Binigyang-diin din niya na ang diplomasya ay dapat nakaangkla sa batas, at ang pagtalikod sa UNCLOS at sa 2016 arbitral ruling ay kusang pagbitaw sa legal na karapatan ng bansa.

“Ang tunay na pagmamahal sa bayan ay ang matatag ngunit mahinahong pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas gamit ang batas,” ani Goitia. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here