MANILA, Philippines – Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes na inaasahang lalakas pa ang Northeast Monsoon o Amihan ngayong linggo at magdudulot ng mas malamig na temperatura sa malaking bahagi ng bansa habang papalapit ang pagtatapos ng Enero.
“Posibleng pa pong mas lumakas pa pong ating Northeast Monsoon ngayong week, possibly by Thursday, na kung saan maaari pong malaking bahagi uli ng ating bansa yung makatala ng pagbaba pa uli ng temperatura,” ayon kay PAGASA weather specialist Charmagne Varilla sa isang ulat.
Ayon kay Varilla, inaasahan ang mas malamig na panahon sa Luzon, partikular sa mga bulubunduking lugar sa Hilagang Luzon gaya ng Benguet, Baguio, Cagayan Valley, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region, pati na rin sa Central Luzon, CALABARZON, Rizal, at lalawigan ng Quezon.
“As of now, ang nakikita natin ay posible yun (6°C to 7°C), pero based sa mga dita ngayon, more on siguro bababa siya, pinakamababa na siguro mga 9°C or 8°C,” dagdag niya.
Batay sa alas-4 ng hapon na weather forecast ng PAGASA, makaaapekto ang Amihan sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Western Visayas, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Camarines Norte, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Metro Manila, at iba pang bahagi ng Luzon sa susunod na 24 oras, ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto. RNT