Home OPINION DISGRASYANG DAGAT

DISGRASYANG DAGAT

296
0

DALAWANG malalaking disgrasya sa karagatan ang naganap sa nakalipas na ilang araw lamang.

Sa huling pangyayari na naganap sa Basilan, may 15 ang namatay habang 43 ang missing o nawawala mula sa 342 na naka-manifest o rekord ng mga sakay ng RoRo.

Nauna rito, lumubog din ang isang barko na minamanduhan ng 21 crew na pawang mga Filipino.

May 2 kumpirmadong patay, 17 ang naligtas at 2 ang missing dito.

Kinilala ng mga awtoridad ang unang barko na M/V Trisha Kerstin 3 at pag-aari ng Aleson Shipping Lines Inc.

Ang ikalawang barko ay ang M/V Devon Bay na may bandilang Singapore.

Lumubog ito sa malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Pampasahero at pang-kargo ang M/V Trisha Kerstin 3 at bulk carrier naman ang M/V Devon Bay na may kargang iron ore nang lumubog.

Ang M/V Trisha Kerstin 3, biyaheng mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu nang madisgrasaya sa karagatan ng Basilan City.

Nagmula naman sa Pilipinas ang M/V Devon Bay at naglalayag ito patungo sa Guangdong, China nang madisgrasya.

PAREHONG BASTA NA LANG LUMUBOG?

Wala pang malinaw na dahilan ng paglubog ng dalawang barko.

Kasalukuyan pa ang mga imbestigasyon.

Sinasabing hindi masama ang kalagayan ng karagatan sa Bajo de Masinloc nang lumubog ang barkong patungong China.

Ganito rin ang karagatan sa Basilan nang lumubog din ang RoRo.

At mismong mga nakaligtas na mga pasahero ang nagsasabi nito.

Hindi rin umano overloaded ng pasahero ang RoRo ayon sa mga awtoridad dahil malaking barko ito.

Pero ano-ano nga ba ang mga dahilan ng paglubog ng mga ito na nagbunga ng mga kamatayan at pagkawala ng ilan nilang pasahero?

MASUSING IMBESTIGASYON

Kailangan ang masusing imbestigasyon sa mga pangyayari.

Ang mga tunay na dahilan, dapat maging malinaw upang hindi na maulit sa mga susunod na araw na ikapapahamak ng napakaraming tao, kasama ang mga kalakal at iba pang mga kagamitan.

Ito’y dahil malalaman ang mga dahilan at magawan ng paraan na hindi na magiging dahilan ng paglubog pa ng iba.

‘Yung dalawang patay sa isang barko at 15 sa isa pa at pagiging missing ng 2 sa una at 43 na missing sa ikalawa ay hindi biro-biro.

Nagbunga ito ng hindi magandang tanawin sa lagay ng transportasyon sa karagatan ng Pinas.

Ang isang inaalaala natin, mga Bro, paano natin isusulong sa mundo ang kaligtasan at ganda ng turismo sa ating libo-libong isla kung basta na lang lulubog ang mga barkong gamit natin para sa kanila na kanilang ikamamatay o ikami-missing?

Paano natin mapalalago ang negosyo gamit ang mga barko kung habang naglalayag na may kargang kalakal, eh, basta na lang lulubog din?

Sino ang magtitiwala sa mga barkong gamit o minamaneho ng mga Pinoy sa mga ganitong kalagayan?

MABILIS AT MANAGOT ANG DAPAT MANAGOT

Dapat mabilis na kumilos ang mga imbestigador at ang pagkakaroon ng pinal na resulta ng imbestigasyon.

Kung may pagpapabaya o sadyang naninira sa mga transportasyong pandagat dapat alamin.

At kung matatagpuang may mga nagpabaya at nanadya sa mga paglubog, dapat silang managot para sa hustisya sa mga napinsalang tao at sa pagkasira ng mga kalakal at kagamitan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here