MANILA, Philippines – Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel agency sa Cavite nitong Lunes dahil sa umano’y ilegal na recruitment nang walang wastong permit o lisensya.
Ayon sa Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons Program ng DMW, inaalok ng nasabing agency ang trabaho sa South Korea bilang hotel cleaner at laundry worker gamit ang G1 visa na karaniwang para sa mga refugee o asylum seeker. Nagtatapat ang mga alok ng buwanang sahod na P85,000 hanggang P125,000.
Sinabihan naman ang mga aplikante na magbayad ng P80,000 processing fee at karagdagang P35,000 hanggang P40,000 advance payment, na hindi pa kasama ang pamasahe papuntang South Korea.
Sa ilalim ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act, ipinagbabawal sa mga travel agency ang recruitment. Sa isinagawang closure operation, inaresto ng DMW at CIDG ang isang lalaki na dating empleyado ng South Korea Employment Permit System (EPS).
Sasampahan ng kaso ang suspek at ang travel agency dahil sa illegal recruitment at isasama sa derogatory list ng DMW.
Pinayuhan ng DMW ang mga nagnanais magtrabaho sa abroad na i-verify ang mga job offer, iwasang magbayad sa hindi rehistradong kompanya, at i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad sa ahensya. Dave Baluyot