Home NATIONWIDE VP Duterte, nagpahayag ng pakikiramay sa Basilan ferry incident

VP Duterte, nagpahayag ng pakikiramay sa Basilan ferry incident

228
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pakikiramay at panalangin si Vice President Sara Duterte-Carpio para sa mga biktima ng paglubog ng ferry sa Basilan, habang umaasa siyang ligtas ang mga pasaherong patuloy pang hinahanap.

Sa isang pahayag, inihayag ni Duterte ang pagdadalamhati sa trahedya ng MV Trisha Kerstin 3 na lumubog noong Lunes ng madaling araw, na nagdulot ng hindi bababa sa 18 pagkamatay at 10 iba pa ang nawawala. Iniulat na may 340 pasahero ang sakay.

“Kami sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay lubos na nakikiramay sa mga pamilya at naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa insidenteng ito,” ayon kay Duterte.

Idinagdag niya na patuloy silang nananalangin para sa kaligtasan ng mga pasaherong kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad.

Nanalangin din si Duterte para sa kaligtasan at lakas ng mga rescuers na nagtatrabaho sa mapanganib na kondisyon sa dagat.

Nagpaalala siya sa publiko na sundin ang mga patakaran sa kaligtasan sa paglalakbay sa dagat, tulad ng pagsusuot ng life jacket, pag-alam sa lokasyon ng safety equipment, pagdadala ng pagkain at tubig sa mahabang biyahe, at pag-iwas sa paglalayag kapag masamang panahon o may babala ng bagyo.

Hinimok din niya ang mga pasahero na sundin ang instruksyon ng kapitan at crew, iwasang maglakad o tumayo sa gilid ng bangka, at huwag mag-overload.

Ayon sa Maritime Industry Authority, nagpadala na ito ng investigation team upang tukuyin ang posibleng sanhi ng insidente.

Inutos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development na magbigay ng tulong sa mga biktima. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here