MANILA, Philippines — Nagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tulong-pinansyal sa mga nakaligtas at sa mga pamilyang nawalan ng buhay sa pagsadsad ng M/V Trisha Kerstin 3 sa Basilan nitong Lunes.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nagpaabot ang regional office sa Zamboanga Peninsula ng tulong pinansyal kasabay ng pamamahagi ng ready-to-eat food (RTEF) boxes para sa mga pamilyang pansamantalang nananatili sa Isabela City Port.
“Nagpaabot ang DSWD ng tulong-pinansyal sa mga survivors at sa pamilya ng mga nasawi upang makatulong sa kanilang agarang pangangailangan, kasabay ng pamamahagi ng ready-to-eat food (RTEF) boxes para masiguro na may sapat na pagkain ang mga pamilyang pansamantalang nananatili sa Isabela City Port,” ayon kay Gatchalian sa isang Facebook post.
Batay sa ulat ng DSWD 9, 134 na nakaligtas ang nakatanggap ng medical assistance na tig-PHP5,000, habang dalawang pamilyang nawalan ng buhay ang nakatanggap ng PHP10,000 burial aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Patuloy din ang pagbibigay ng psychosocial support ng ahensya at mahigpit ang pakikipag-ugnayan nito sa lokal na pamahalaan ng Basilan at sa Philippine Coast Guard (PCG) upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang patuloy na tulong hanggang makabangon at makauwi nang ligtas ang mga apektadong pamilya.
“Patuloy din ang pagbibigay ng psychosocial support at ang mahigpit na pakikipag-ugnayan ng DSWD sa local government unit (LGU) ng Basilan at sa Philippine Coast Guard (PCG) upang masusing ma-monitor ang sitwasyon at matiyak na maibibigay ang karagdagang tulong hanggang sa tuluyang makabangon at makauwi nang ligtas ang mga apektadong kababayan,” ani Gatchalian.
Sa loob ng 24 oras matapos ang insidente, nakapamahagi ang DSWD ng 137 halal-certified RTEF boxes at nag-deploy ng social workers sa Zamboanga Port at Isabela Port para sa stress debriefing at assessment ng mga nakaligtas.
“Patuloy ang DSWD sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matiyak na tuloy-tuloy ang suporta at walang maiiwan,” dagdag ni Gatchalian.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nagpadala ito ng tauhan at kagamitan upang tumulong sa search and rescue operations para sa mga nawawalang pasahero at nag-alerto sa mga coastal units upang higpitan ang monitoring.
Ayon sa Philippine Coast Guard, 24 ang nawawala, 18 ang kumpirmadong patay, at 317 ang nakaligtas hanggang Lunes ng gabi. Ang barko ay may 332 pasahero at 277 tripulante nang umalis ito sa Port of Zamboanga City noong 9:20 p.m. ng Linggo patungong Jolo, Sulu, at nagsimulang lumubog noong madaling araw ng Lunes.
Sinabi ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na susuportahan din ng pulisya ang imbestigasyon at magbibigay ng tulong sa mga nakaligtas, kabilang ang transportasyon pauwi kung kinakailangan. Santi Celario