Home HOME BANNER STORY ‘Middle-class’ Pinoys, swak na rin sa Zero Balance Billing

‘Middle-class’ Pinoys, swak na rin sa Zero Balance Billing

209
0

MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang zero balance billing program upang masiguro na hindi lamang ang mga mahihirap kundi pati ang mga nagbabayad ng kontribusyon mula sa middle-class ay makikinabang sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang hakbang ay nagpapatunay sa paninindigan ng administrasyon na maghatid ng abot-kaya, accessible, at patas na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

“Alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino, nakipag-ugnayan si Executive Secretary Ralph Recto sa pamunuan ng DOH at PhilHealth upang palawigin ang mga benepisyo ng programa at mapangalagaan maging ang mga contributors mula sa middle class,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Palasyo nitong Martes.

Nilinaw ng Malacañang na ang pinalawak na zero balance billing ay magbibigay ng direktang benepisyo sa mga miyembro ng PhilHealth mula sa kanilang premium contributions.

“Makakaasa pa sa mas maayos at mas accessible na healthcare ang mga nagbabayad ng kanilang premium sa PhilHealth,” ani Castro.

“Sa ilalim ng bagong direktiba ng Pangulo, layunin ng pamahalaan na mas maramdaman ng taumbayan ang mga serbisyong nagmumula sa mga buwis na kanilang binabayaran,” dagdag pa niya.

Ayon sa Malacañang, nasa huling yugto na ang DOH sa pagsasaayos ng healthcare provider network (HPN) model na layong palakasin ang kapasidad ng mga local government unit (LGU) na magbigay ng mas mataas na kalidad na serbisyong medikal sa buong bansa. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here