MANILA, Philippines – Isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite noong Martes ang nauwi sa high-speed car chase na nagtapos sa pagkamatay ng suspek malapit sa Kawit exit ng Manila-Cavite Expressway (CAVITEX), ayon sa awtoridad.
Ninakaw ng suspek ang isang unmarked na AUV ng pulisya habang isinasagawa ang operasyon at binangga ang mobile car ng Bacoor police habang paulit-ulit na nagpaputok sa mga pulis.
“Tina-try na ipatabi pero ayaw daw po tumabi, instead pumutok po (raw) sa kanila,” ani Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng Bacoor police.
Sa habulan, nabangga rin ng AUV ng suspek ang dalawang motorsiklo, isang traysikel, at isang SUV. Agad na nabigyan ng first aid ang mga biktima.
Natapos ang habulan nang barilin ng pulisya ang mga gulong ng AUV.
Ani Desamito, “Ayaw po niyang buksan ‘yung pintuan, so binasag na po ‘yung silamin sa likod. Tapos while ginagawa ‘yun, bumaril na po. So no choice na po ‘yung tropa kung di makipag-sabayan na rin po.”
Namatay ang suspek sa engkwentro, na nagdulot ng mabigat na trapiko sa lugar.
Naibalik sa normal ang daloy ng trapiko sa Kawit exit bandang alas-5 ng hapon matapos matapos ng awtoridad ang crime scene processing at matanggal ang AUV. Mary Ann Sapico