MANILA, Philippines – ARESTADO sa loob ng bente-kwatro oras ang suspek sa pananakit at panghoholdap sa isang Japanese national sa Coastal Road, Barangay San Dionisio, Lungsod ng Parañaque, matapos ang mabilis na pagresponde at backtracking ng mga personnel ng Parañaque City Police Station sa pangunguna ni P/Col. Pin̈on.
Nakita na lamang ng mga tauhan ng Cenro na nakahandusay sa lugar ang biktimang senior citizen na Japanese national kaya agad silang nagresponde at nagreport sa pulisya.
Base sa unang imbestigasyon, sinundan ng suspek na nakilalang si alyas Ariel Alid ang biktimang si Akira Moriyama nang magtungo ang biktima sa Las Piñas–Parañaque Wetland Park noong January 24, 2026. Nakunan ang insidente sa cellphone ng isang estudyante sa eskwelahan sa malapit sa pinangyarihan.
Sapilitang kinuha ng suspek ang bag ng biktima na pumalag pa, kaya nang hindi nito ibinigay ang bag ay pinukpok ng matigas na bagay ang biktima, na naging sanhi ng pagputok ng ulo nito, pagkasugat ng tenga, at halos lumuwa ang mata, dahilan para mawalan ng malay ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-birdwatching sa wetland park area ang biktima nang salakayin ng suspek bandang 11:00 ng umaga ng Sabado.
Nanakaw sa biktima ang P30,000 at Y30,000 cash, pati na ang mobile phone at Japanese passport nito.
Nabawi naman ang wooden stick na ginamit sa pag-atake.
Pinuri naman ni NCRPO Chief Aberin ang mabilis at mahusay na hakbang na ginawa ng Parañaque Police, bilang pagpapatunay na ang koordinasyon sa pagitan ng mamamayan at mga pulis, gayundin ang paggamit ng advanced technology tulad ng mga CCTV, ay mas nagpapadali sa pagresolba ng anumang krimen.