MANILA, Philippines – Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kawani ng gobyerno sa kanilang malaking kontribusyon sa kani-kanilang pagganap ng tungkulin at sa hindi matatawarang pagbibigay serbisyo-publiko na may pagmamahal, integridad at natatanging ambag.
“Ipinagdiriwang natin sa araw na ito, ang puso ng pamahalaan. Ang mga kawaning tahimik na naglilingkod para sa sambayanang Pilipino at sa bansa,” sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang mensahe na binasa ni Executive Secretary Ralph G. Recto sa idinaos na Pagpupugay 2025: Gawad Lingkod Bayani sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Miyerkules.
Binibigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mahalagang papel ng mga lingkod-bayan sa pagtatatag ng bansa, at sinabing ang kanilang pagsusumikap at integridad ang nagpapalakas sa tiwala ng publiko at nagpapahusay sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo.
“Para sa lahat ng tumanggap ng parangal ngayon, kayo ang patunay na ang diwa ng tapat na paglilingkod ay buhay sa ating pamahalaan. Sa gitna ng dilim at ingay, kayo ang hibla ng liwanag na nagbibigay pag-asa sa ating sambayanan,” pahayag ng Pangulo sa mga honorees.
“Kayo ang patunay na maraming mabubuting empleyado sa ating pamahalaan. Kayo ang patunay na hindi kailangan maging tanyag upang tumulong sa bayan. At kayo ang patunay na anumang antas ng tungkulin, may kakayahan ang bawat isa na maglingkod ng may dangal,” dagdag pa ng Pangulo.
Kinikilala ng Gawad ng Lingkod Bayani na pinangunahan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga kawani ng gobyerno para sa kanilang natatanging ambag ng sa ekonomiya at lipunan, mga kapansin-pansing tagumpay, at matatag na paninindigan sa pinakamataas na pamantayan ng ethical standards.
Ang parangal ay may tatlong kategorya: ang Gawad Lingkod Bayan ng Pangulo, Gawad Dangal ng Bayan, at Gawad Pag-asa.
Sa taong ito, nasa kabuuang 24 na indibidwal at anim na team ang nagawaran ng parangal.
Ang mga awardee ay nakatanggap ng gintong medalya, mga plake at cash rewards na nagkakahalaga ng mula P100,000 hanggang P200,000.
Ang ilang nagawaran ng parangal ay nakakuha rin ng karapatang maging kwalipikado para sa awtomatikong promosyon at mga scholarship para sa kanilang sarili o sa kanilang mga benepisyaryo.
Pinapasalamatan sila ng Pangulo sa kanilang pagpapakita ng integridad, kasipagan, at malasakit, at hinimok silang patuloy na isabuhay ang kahusayan, disiplina, at pagkamakabayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Sa ngalan ng sambayanang Pilipino, maraming, maraming salamat sa inyong katapatan, sipag, at malasakit. Patuloy ninyong isabuhay ang diwa ng bagong Pilipino – disiplinado, mahusay, at mapagmahal sa bayan,” wika ng Pangulo. (KRIS JOSE)