Home NATIONWIDE Shear Line, Amihan sanib-pwersang magpapaulan ngayong Biyernes

Shear Line, Amihan sanib-pwersang magpapaulan ngayong Biyernes

185
0

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at mahina hanggang kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang Shear Line at Northeast Monsoon o Amihan ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa PAGASA, maaapektuhan ng Shear Line ang silangang bahagi ng Mindanao, partikular ang Caraga, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte, at Davao Oriental, kung saan inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog. Posibleng magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Samantala, makakaranas ng maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora dahil sa Amihan, ngunit wala umanong inaasahang malaking epekto. Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahihinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas dahil sa Northeast Monsoon.

Ang natitirang bahagi ng Mindanao at Eastern Visayas ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm dulot ng localized thunderstorms, na maaaring magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa sa oras ng matinding pag-uulan.

Inaasahan din ang katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan hanggang hilaga sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Katamtaman hanggang malakas na hangin at maalon na dagat din ang mararanasan sa Northern at Central Luzon, habang magaan hanggang katamtamang hangin at bahagyang maalon hanggang katamtamang karagatan naman sa ibang bahagi ng bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here