SA gitna ng mga hamong dala ng nagdaang taon, nananatiling matatag at higit na lumalakas ang pundasyon ng Pag-IBIG Fund. Ito ang mensaheng ibinahagi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer (CEO) Marilene Acosta sa ginanap na “Gawad ng Pag-IBIG para sa Media” pasasalamat at performance report ng ahensya noong 2025.
Ayon kay CEO Acosta, umabot na sa record-breaking na Php1.2 trillion ang kabuuang assets ng institusyon.
Ang paglagong ito ay hindi lamang numero sa papel kundi repleksyon ng lumalawak na tiwala ng mahigit 17 milyong aktibong miyembro. Sa katunayan, ang kabuuang naipong savings ng mga miyembro noong 2025 ay sumipa sa Php160.4 billion, na mas mataas ng 21 porsyento kumpara sa nakaraang taon.
Isang mahalagang highlight ng ulat ay ang pagpili ng mga manggagawang Filipino sa boluntaryong pag-iimpok. Umabot sa Php93.6 billion ang pinagsamang upgraded savings at ang sikat na MP2 Savings.
Ayon sa pamunuan, mas mataas na ngayon ang boluntaryong ipon kaysa sa mandatory savings, isang indikasyon na nakikita ng publiko ang Pag-IBIG bilang isang ligtas at mapagkakatiwalaang investment vehicle. Bilang ganti sa tiwalang ito, inaasahang iaanunsyo ang dibidendo para sa Regular at MP2 Savings sa Pebrero 2026.
Hindi rin kinalimutan ng Pag-IBIG Fund ang aspeto ng pagtulong sa oras ng kagipitan. Sa pamamagitan ng Multi-Purpose Loan at Calamity Loan, nakapagpalabas ang ahensya ng Php88 billion para sa 3.5 milyong miyembro na naapektuhan ng mga sunod-sunod na kalamidad noong 2025.
Higit sa lahat, muling pinatunayan ng Pag-IBIG Fund ang integridad nito sa pamamahala matapos itong makatanggap ng unmodified audit opinion mula sa Commission on Audit (COA) sa ika-13 sunod na taon. “Ang aming tagumpay ay bunga ng katapatan sa serbisyo at ang layunin naming protektahan ang bawat sentimo ng ating mga miyembro,” pahayag ni Acosta.
Nagpasalamat din siya sa media sa pagiging tulay upang maiparating ang mga tamang impormasyon na nagpapatibay sa ugnayan ng ahensya at ng sambayanang Filipino.






