MANILA, Philippines – Pinatututukan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkumpleto sa Sto. Cristo Flyover project sa Angeles City, Pampanga, na tatlong taon nang naantala.
Ininspeksyon ni Secretary Vince Dizon ang proyekto nitong Sabado, Enero 31, at ipinag-utos ang paglalabas ng pondo sa konstruksyon nito na target makumpleto sa Hunyo 2027.
Nalaman ng DPWH chief na ang isang kilometrong flyover ay under construction na noon pang 2023 na posibleng nakumpleto na sana sa loob lamang ng isa’t kalahating taon ngunit binibitin pa ang paglalabas ng budget para rito.
Sa oras na matapos, magsisilbing alternatibong ruta ang Sto. Cristo Flyover sa McArthur Highway sa Angeles City.
Ang pagkumpleto rito ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madaliin ang lahat ng pending projects ng ahensya. RNT/JGC