Home NATIONWIDE Villar Land kinasuhan ng SEC sa umano’y market manipulation, insider trading

Villar Land kinasuhan ng SEC sa umano’y market manipulation, insider trading

196
0

MANILA, Philippines — Nagsampa ng kasong kriminal ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Villar Land Holdings Corp. dahil sa umano’y market manipulation, insider trading, at mapanlinlang na mga pahayag sa publiko.

Sa pahayag nitong Sabado, Enero 31, sinabi ng SEC na nilabag umano ng Villar Land, na dating Golden MV Holdings Inc., ang Section 24.1(d) at Section 26.3 ng Securities Regulation Code (SRC) dahil sa pagbibigay ng mali o nakalilitong impormasyon at pagsasagawa ng mga transaksyong umano’y nanlinlang sa mga mamumuhunan.

Kabilang sa mga pinangalanang respondent sa reklamong inihain sa Department of Justice nitong Biyernes sina Manuel Villar Jr., chairman ng kumpanya at dating senador; Cynthia Villar; mga direktor na sina Cynthia Javarez, Manuel Paolo Villar, Sen. Camille Villar, Sen. Mark Villar, at mga independent director na sina Ana Marie Pagsibigan at Garth Castañeda.

Kinasuhan din ng SEC ang mga kaugnay na kumpanya ng Villar Land na Infra Holdings Corp. at MGS Construction, pati ang ilang opisyal at awtorisadong signatory, dahil sa umano’y paglabag sa Section 24.1(b) ng SRC na may kaugnayan sa price manipulation.

Ayon sa SEC, nag-ugat ang kaso sa imbestigasyon nito sa mga public disclosure at trading activities ng Villar Land na umano’y nagbigay ng maling impresyon sa mga investor at nagpaangat ng presyo ng shares ng kumpanya.

Tinukoy ng SEC ang public disclosure ng Villar Land sa 2024 financial statements kung saan iniulat nito ang kabuuang assets na ₱1.33 trilyon at net income na ₱999.72 bilyon, mula sa ₱1.46 bilyon lamang noong nakaraang taon—na iniugnay ng kumpanya sa revaluation ng real estate assets.

Subalit ayon sa SEC, inilabas umano ang nasabing datos bago pa matapos ang external audit. Nang maisumite ang audited financial statements, bumaba umano ang kabuuang assets ng kumpanya sa ₱35.7 bilyon.

Inilahad din ng SEC na ang trading activities ng Infra Holdings at MGS Construction ay umano’y lumikha ng artipisyal na demand upang suportahan ang presyo ng shares ng Villar Land. Ang Infra Holdings ay pag-aari ni Virgilio Villar, kapatid ni Manuel Villar Jr.

Dagdag pa ng SEC, iniimbestigahan din ang umano’y insider trading ni Sen. Camille Villar, kaugnay ng pagbili niya ng 73,600 shares noong Disyembre 2017 bago ang isang corporate disclosure na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng stocks.

Binanggit din ng ahensya ang naunang desisyon nito na bawiin ang accreditation ng E-Value Phils. Inc., ang property appraiser ng Villar Land, at pagmultahin ito ng ₱1 milyon dahil sa umano’y hindi maaasahang valuation reports.

Sa panig ng Villar Group, sinabi nitong sasagutin nila ang mga paratang matapos ang pormal na pagtanggap ng reklamo.

“Nanindigan ang SEC na papanagutin ang sinumang manlilinlang sa investing public upang mapanatili ang tiwala sa capital market,” ayon kay SEC Chairperson Francis Lim. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here