MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Education (DepEd) noong Linggo, Pebrero 1, na walang polisiya sa automatic o mass promotion ng mga estudyante, ngunit maaaring nagkaroon ng ganitong impresyon sa ilang paaralan.
“Sa totoo lang po, wala pong polisiya ang DepEd na sinasabing ang mga bata ay dapat ma-automatically promote. Wala po tayong polisiya na ganyan,” ayon kay DepEd Officer-in-Charge Undersecretary Carmela Oracion.
Ipinaliwanag niya na ang perception ng mass promotion ay maaaring nagmula sa mga procedural challenges, gaya ng kinakailangang approvals para ma-retain ang estudyante.
“Ngunit siguro po, nagkaroon ng perception ng mass promotion sa ating field. Marami rin pong dahilan dito. Halimbawa, siguro, nangangailangan sila ng maraming approval, ang ating mga guro, upang mag-retain ng mga bata,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Oracion na ang tugon ng DepEd ay nakatuon sa paghahanda ng mga estudyante bago itaas sa susunod na baitang, at kinikilala na ang learning gaps ay bunga ng dekadang hamon sa sistema ng edukasyon.
Ipinatupad na ng DepEd ang intensive remediation measures, kabilang ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program, para sa mga estudyanteng hindi handa batay sa beginning-of-school-year assessments.
“Lahat ng mga batang hindi handa… ay sumasailalim sa ating remediation programs,” dagdag niya.
Sinabi rin niya na parehong may learning materials ang mga guro at estudyanteng kalahok sa remediation.
Layunin ng DepEd na tiyaking ang bawat estudyante ay handa bago umakyat sa susunod na baitang, habang patuloy na pinapabuti ang mainstream education system. RNT/MND