MANILA, Philippines – Nais ni House Majority Leader Ilocos Norte 1st district Rep. Sandro Marcos na ipasa ang amendatory measure na magpapalaki ng monthly cash grants para sa edukasyon, kalusugan, at nutrisyon sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Rep. Marcos, “Passing a consolidated 4Ps bill is important to strengthen support for education, health, and nutrition. It will help the government provide more sustained assistance to Filipino households.” Layunin nitong palakasin ang social protection para sa low-income households sa bansa.
Inaprubahan na ng House Committee on Poverty Alleviation, na pinamumunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang panukala.
Ito ay naglalayong itaas ang education subsidies, health grants, at magbigay ng bagong cash support para sa pagkain, nutrisyon, at mga bata sa unang 1,000 araw ng buhay.
Education grants:
–Day care & elementary: ₱300 → ₱500/buwan
–Junior high school: ₱500 → ₱700/buwan
–Senior high school: ₱700 → ₱900/buwan
Health grants: ₱750 → ₱1,800/buwan; dagdag ₱400/buwan para sa bata na may kapansanan
Food & Nutrition Cash Grant: ₱1,100/buwan
First 1,000 Days (F1KD) Cash Grant: ₱400/buwan para sa batang 0–2 taong gulang
Pinapalakas din ng panukala ang human capital development, nagpapabilis sa review ng grants mula bawat 6 na taon tungo sa bawat 3 taon, at nagdaragdag ng kondisyon na dapat makumpleto ng pamilya ang government-accredited livelihood at skills training.
Layunin ng reporma na mapanatili ang mga bata sa paaralan, mapabuti ang kalusugan at nutrisyon, at mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga mahihirap na pamilya, habang pinapababa ang intergenerational poverty at pinapalakas ang workforce ng bansa.
Kapag naisabatas, magiging malaking hakbang ito sa pagtupad ng gobyerno sa pangako nitong protektahan ang mga pinaka-mahina sa lipunan at mag-invest sa pangmatagalang kaunlaran ng bansa. RNT/MND