BATAAN- Timbog ang mag-bestfriend na umano’y tandem sa pagtutulak ng shabu matapos masakote ang mga suspek sa ikinasang patibong ng mga awtoridad nang makipagtagpo sa ka-transaksiyon na undercover police sa tapat ng isang convenience store sa Barangay Sto.Niño, Dinalupihan, Bataan.
Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station Chief of Police Lt.Col Bjorn John Labos Kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina “Jack” at “Empoy”, nasa wastong gulang na kapwa residente sa Barangay Saguing, Dinalupihan.
Sa ulat, sakay ng motorsiklo, nakipagkasundo ang mga suspek na makipagtagpo sa bentahan ng iligal na droga, na lingid sa kanila ay undercover police pala ang ka-transaksiyon.
Isinailaim ang mga suspek sa surveillance hinggil sa iligal na gawain ng mga ito, kaya ng magpositibo ikinasa ang buybust na nagresulta sa pagkadakip ng mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa mahigit 22 grams ng suspected shabu na may standard drug price ng higit P155,000, cellphone at ang motorsiklo na gamit ng mga suspek sa iligal nilang transaksiyon at ang marked money na ginamit sa buybust.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa mas pinaigting na batas kontral iligal na droga. ROEL TARAYAO