Home NATIONWIDE Zero-tariff rice import sa Tawi-Tawi itinutulak ng Bangsamoro Parliament

Zero-tariff rice import sa Tawi-Tawi itinutulak ng Bangsamoro Parliament

249
0

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang isang resolusyon na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na payagan ang zero-tariff na pag-angkat ng bigas mula Malaysia, na eksklusibong ilalaan para sa mga residente ng Tawi-Tawi upang mapababa ang presyo ng bigas at tugunan ang kakulangan sa suplay sa lalawigan.

Inihain ang resolusyon nina Members of Parliament John Anthony “Jet” Lim, Jose Lorena at Nabil Tan bilang isang espesyal, pansamantala at makataong hakbang na sasailalim sa mahigpit na pagbabantay ng pambansa at rehiyonal na pamahalaan.

Ayon sa mga mambabatas, mas malapit sa Sabah, Malaysia ang Tawi-Tawi kaysa sa mga pangunahing pantalan ng Pilipinas gaya ng Zamboanga City, dahilan upang tumaas ang presyo ng bigas dahil sa mataas na gastos sa transportasyon at logistics.

Binanggit sa resolusyon na maaaring magsilbing mas mura at praktikal na pinagkukunan ng bigas ang Sabah kung ito ay pahihintulutan ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng malinaw at legal na mekanismo.

Ipadadala ang kopya ng resolusyon sa tanggapan ng Pangulo, mga kaukulang ahensya ng gobyerno at sa pamahalaang panlalawigan ng Tawi-Tawi para sa kaukulang aksyon.

Ayon sa Bangsamoro Parliament, mabigat na pasanin sa mga pamilya lalo na sa mahihirap at bulnerableng sektor ang mataas na presyo ng bigas sa Tawi-Tawi, na lalong nagpapalala sa problema ng food insecurity sa lalawigan.

Giit ng mga mambabatas, ang direktang pag-angkat ng bigas mula Sabah na walang taripa, kung mahigpit na ire-regulate, ay makababawas sa gastos sa transportasyon, makapagpapatatag ng suplay at makapagpapababa ng presyo nang hindi na dumaraan sa malalayong pantalan ng bansa.

Nilinaw din ng resolusyon na ang panukala ay hindi naglalayong kilalanin o gawing lehitimo ang ilegal o impormal na kalakalan.

Sinabi ni Lorena, isa ring deputy speaker ng Bangsamoro Parliament, na umaabot na sa hindi bababa sa P2,000 ang presyo ng isang sako ng bigas sa Tawi-Tawi.

“Panahon na upang ipabatid sa Pangulo ang natatanging sitwasyon at pangangailangan ng Tawi-Tawi,” ani Lorena.

Matatandaang nilagdaan ni Marcos noong Nobyembre ang Executive Order No. 105 na nagpapataw ng hindi bababa sa 15 porsiyentong taripa sa inaangkat na bigas, na maaaring tumaas o bumaba depende sa galaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here