Home TOP STORIES Mayor Strike Revilla, mas hinangaan sa mabilis na pag-papatupad ng “Anti-Epal” sa...

Mayor Strike Revilla, mas hinangaan sa mabilis na pag-papatupad ng “Anti-Epal” sa Bacoor

313
0

Bacoor City — Ipinapatupad na sa Lungsod ng Bacoor ang mahigpit na “Anti-Epal” policy kasunod ng agaran na paglalabas ni Bacoor City Mayor Strike B. Revilla ng Memorandum Order No. 11, Series of 2026 kamakailan.

Layunin ng kautusan na tiyakin na ang lahat ng proyekto, programa, at aktibidad ng Pamahalaang Lungsod ay hindi ginagamit para sa personal na promosyon ng sinumang opisyal.

Sa ilalim ng memorandum, inaatasan ang lahat ng department heads at mga barangay na sumunod sa “Anti-Epal provisions ng 2026 General Appropriations Ordinance,” kabilang ang agarang pagtanggal ng pangalan ng alkalde at iba pang opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

“Ibig sabihin po nito, ipinapatanggal na natin ang aking pangalan sa lahat ng proyekto, programa, at aktibidad ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor,” pahayag ni Mayor Strike Revilla sa kanyang Facebook Live. “Inuutusan ko po ang lahat ng barangay at department heads na tiyakin ang agarang at buong pagsunod sa kautusang ito. Ang proyekto ng gobyerno ay para sa taumbayan, hindi para sa sinumang opisyal.”

Dahil sa hakbang na ito, mas hinangaan si Mayor Strike ng mga taga-Bacoor dahil sa kanyang pangunguna sa pagsasabuhay ng tunay na diwa ng serbisyo publiko. Para sa mga mamamayan ng Bacoor City, Cavite nagagalak at pinagmamalaki nila si Mayor Strike at natutuwa sila sa logo na “Strike As One” dahil simbolo ito ng pagkakaisa ng mga Bacooreño.

Ang mabilis na pagpapatupad ng “Anti-Epal” memorandum ang paninindigan ng pamahalaang lungsod sa tapat, makatao, at makabuluhang pamamahala — kung saan ang serbisyo ay inuuna, at hindi ang sariling pangalan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here