MANILA, Philippines – Sinermunan ni Department of Public Works and Highways Vince Dizon ang mga district engineer ng Samar 1st District Engineering Office sa palpak na clearance ng tulay sa naturang probinsya.
Ayon kay Dizon, nagsimula agad ang konstruksyon ng tulay nang hindi pa nakakakuha ng vertical clearance mula sa Philippine Ports Authority (PPA).
“Gumawa kayo ng design na dadaan sa puerto na hindi niyo clinear doon sa puerto? ‘Pag sinabi ni PPA, hindi pwede, kasi masyadong mababa ‘yung height, you will have to redo all this—and may pera ‘yun,” ani Dizon.
“So, sinong mananagot sa perang nasayang dahil ‘di mo ginawa ‘yung trabaho mo na humingi ng clearance sa PPA? Kayo ang mananagot dito. At the very least, gross negligence ‘to; kaso ‘to sa inyo,” dagdag pa nito.
Kalaunan ay nilinaw ni Dizon na nakipag-usap na siya sa PPA at napag-alamang ang kasalukuyang taas ng tulay ay ‘manageable’ at walang banta na mabangga ng mga barko.
Sa kabila nito, iginiit niya na mapanganib ang paglaktaw sa tamang proseso sa public infrastructure development, kasabay ng posible na namang pagkasayang ng pondo ng taumbayan kung hindi mapakikinabangan ang proyekto. RNT/JGC