MANILA, Philippines — Naglunsad ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), katuwang ang ScamWatch Pilipinas, ng isang kampanya laban sa dumaraming AI-driven love scams sa bansa.
Tinawag ang inisyatiba na “AI, AI-AI Feb-Ibig”, na layong protektahan hindi lamang ang damdamin kundi pati ang pera ng mga posibleng mabiktima ng online romance scams.
Ayon kay CICC Acting Executive Director Atty. Renato “Aboy” Paraiso, ginagamit na ngayon ng mga scammer ang artificial intelligence upang lumikha ng pekeng relasyon at manipulahin ang emosyon ng kanilang mga target.
“Ginagamit na nila ang AI para magmukhang totoo ang koneksyon. Totoo ang nararamdaman ng biktima, pero ang relasyon ay peke,” ani Paraiso.
Batay sa datos ng CICC, umabot sa 123 ang natanggap na reklamo kaugnay ng love scams noong 2025, na karaniwang tumataas tuwing Enero hanggang Pebrero, Hunyo, at Oktubre. Sa Enero 2026 pa lamang, 15 bagong kaso na agad ang naitala.
Babala ni Paraiso, isang malinaw na red flag kapag ang bagong kakilala online ay agad na hinihikayat ang paglipat ng usapan sa private o encrypted messaging apps sa loob lamang ng isa o dalawang araw.
Tinukoy rin ng CICC ang anim na karaniwang uri ng love scammer sa bansa, kabilang ang “Sad Boi/Sad Gurl” na gumagamit ng kaawa-awang kuwento para mangutang; “The Seducer” na humihingi ng sensitibong larawan para sa blackmail; pati ang “The Investor,” “The Serviceman,” “The Escort,” at “The Slowburn.”
Mayroon ding anim na madalas puntiryahin ng mga scammer, gaya ng mga babaeng naghahanap ng foreign partner, mga lalaking may stable na trabaho, single parents, at mga indibidwal na madaling maapektuhan ng emosyonal na pressure.
Aminado ang CICC na wala pang nakukulong na online love scammer sa Pilipinas dahil karamihan sa mga sindikato ay naka-base sa ibang bansa. Gayunman, patuloy umano ang koordinasyon sa mga international counterparts upang matugunan ang hamon sa hurisdiksyon.
Nilinaw naman ni ScamWatch co-founder Jocel de Guzman na hindi sila laban sa dating apps, ngunit kailangan ng mas mataas na antas ng pag-iingat sa pakikipagkilala online.
Hinikayat ng CICC ang publiko na agad mag-report ng mga kahina-hinalang insidente sa hotline 1326 upang mapigilan ang mas marami pang mabiktima, lalo na ngayong buwan ng pag-ibig. RNT/JGC