MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na ang mainit na debate ukol sa West Philippine Sea (WPS) sa Senado ay sumasalamin sa ‘democratic processes’ ng bansa.
Subalit binigyang diin ang matigas ang paninindigan ng administrasyon sa pagtatanggol sa maritime claims ng bansa.
“Kung nagkaroon po man ng debate sa Senado, iyan po ay kanilang mandato – pag-usapan kung anong isyu – at iyan po ay parte ng pagiging democratic country,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sina Senator Francis Pangilinan at Senator Rodante Marcoleta sa eksaktong coordinates ng bahagi ng South China Sea (SCS) na sakop ng soberanya ng Pilipinas.
Sa deliberasyon sa Senate Resolution No. 256, sinabi ni Pangilinan na ayon sa datos ng Philippine delegation sa International Arbitral Tribunal (IAT), may karapatan ang Pilipinas sa humigit-kumulang 500,000 square kilometers ng SCS.
Binanggit niya na pinawalang-bisa ng 2016 arbitral ruling ang 9-dash line ng China at itinaguyod ang karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ).
Samantala, iginiit ni Marcoleta na ang West Philippine Sea ay humigit-kumulang 381,000 square kilometers base sa deklarasyon ng National Security Council.
Aniya, hindi malinaw ang eksaktong coordinates at may ilang isla sa Kalayaan Island Group na hindi sakop ng 200-nautical mile EEZ, gaya ng Pag-asa (Thitu Island), Parola (Northeast Cay), Kota (Laoita Island), at Lankiam Cay.
Tinawag ni Pangilinan na walang saysay ang ganitong pagtatalo dahil pabor sa Pilipinas ang arbitral ruling at wala nang kailangang baguhin.
Aniya, “There is nothing to defend. It has been resolved in our favor. What we have to now defend and uphold is the ruling.”
Ipinunto ni Marcoleta na mahalagang matukoy ang coordinates ng WPS upang maayos ang mga alitan sa teritoryo, lalo na sa mga isla na sinasakop din ng China at Vietnam.
Pinaliwanag naman ni Sen. Risa Hontiveros na ang research ng International Hydrographic Organization ay teknikal lamang at hindi legal na pagkilala sa soberanya, kabilang ang 9-dash line ng Tsina.
Pinayuhan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na isuspend ang deliberasyon dahil maaaring may national security implications ang diskusyon.
Gayunman, binigyang diin ni Castro na nananatili namang committed si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na protektahan ang interest ng WPS habang pinapanatili ang malakas na diplomatic engagement sa ibang bansa.
“Alam po natin ang posisyon ng Pangulo patungkol po sa West Philippine Sea, unang-una po ay dapat na ipaglaban, protektahan kung anuman ang interes na mayroon ang Pilipinas,” ang sinabi ni Castro.
“At kung anuman po ang nagiging isyu sa ibang bansa, gagamit pa rin po tayo ng matatag, malakas ngunit may diplomasya na pakikipag-usap,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)