MANILA, Philippines – Nagbabala ang Alliance of Concerned Teachers Philippines (ACT) sa mga naninisi sa crowded school calendar na sanhi umano ng lumalalang learning crisis sa bansa.
Ayon sa ACT, ang findings ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ay nagbibigay ng panganib na malampasan ang mas malalim at matagal nang problema sa pampublikong edukasyon.
Sa pahayag, tumutol ang ACT sa sinabi ng EDCOM 2 na ang sobra-sobrang school activities ang dahilan ng mababang literacy at learning outcomes sa pinakahuling SEA-PLM results.
“Madaling ituro ang mga selebrasyon at aktibidad dahil ito ang nakikita sa ibabaw,” pahayag ni ACT spokesperson Ruby Bernardo.
“Pero kung hanggang doon lang ang pagsusuri, tinatakasan natin ang tunay na problema,” dagdag pa.
Ayon sa ACT, ang learning loss ay dahil sa chronic underfunding ng public education, patuloy na teacher shortages, overcrowded na mga klasrum, kulang na textbooks at learning materials, at sobra-sobrang non-teaching tasks na ipinapagawa sa mga guro.
Nagbabala ang grupo na ang paninisi lamang sa school celebrations ay maaaring maglipat ng sisi sa mga guro at sa paaralan habang ang mga policymaker ay patuloy na nakatatakas sa accountability.
Ani Bernardo, ang reading proficiency ay hindi bumababa dahil lamang sa mga aktibidad katulad ng Buwan ng Wika o Nutrition Month.
“Bumabagsak ito dahil may isang guro na may limampung estudyante, kulang ang aklat, kulang ang oras, at lubog sa papeles na ipinapasa ng mismong sistema.”
“Kung aalisin man ang ilang aktibidad, pero hindi gagalawin ang kakulangan sa guro, silid-aralan, at sahod, wala ring magbabago,” dagdag ni Bernardo.
“Hindi oras lang ang ninanakaw sa mga bata—kinakait sa kanila ang disenteng kundisyon para talagang matuto.”
Dahil dito ay nanawagan ang ACT sa Kongreso at Department of Education na tigilan na ang pagturing sa learning loss bilang isyu ng school discipline o calendar management.
“Ang pagtuon sa mga school celebrations bilang problema ay pag-iwas sa ugat,” sinabi ni Bernardo.
“Hangga’t hindi binabago ang oryentasyon ng sistema—mula sa pagtitipid at pagkakait tungo sa sapat na pondo, disenteng sahod, at makabuluhang suporta sa pagtuturo—mananatiling atrasado, kulelat, at palpak ang edukasyon sa bansa.”