MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng paglilinaw ang pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) hinggil sa nag-viral na video sa social media hinggil sa pag-clamp sa mga motorsiklo na nakaparada sa isang motorcycle dealer sa Tondo, Maynila nito lamang araw ng Martes, Pebrero 3, 2026.
Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, nagsasagawa city wide operation laban sa mga obstruction ang kanyang mga tauhan nang madaanan ang branch ng Honda motorcycle na matatagpuan sa Gagalangin St., sa Tondo, Maynila.
May namataan ang clamping team na may mga nakaparadang motorsiklo sa bangketa kaya’t agad nilang pinuntahan ang nasabing tindahan ng motorsiklo at hinanapan sila ng probational parking permit ngunit ang naipakita lamang umano nila ay isang “expired” na permit kaya’t nai-clamp ang lahat ng mga nakaparadang motorsiklo.
“Binigyan sila ng 15 hanggang 20 minuto para mailabas ang kanilang permit pero ang naipakita nila ay expired na permit at paso na ito noon pang taon 2022. Kaya na-clamp ang mga motorsiklo na nakaparada sa labas ng kanilang tindahan,” ayon kay Viaje.
Matapos umanong ma-clamp ang mga motorsiklo, ilang minuto lamang ang nakalipas ay nailabas ng kanilang Manager ang kanilang permit na may expiration date na February 28, 2026 at agad na ipinakita ito sa clamping team ng MTPB kaya’t agad nilang tinanggal ang pagkaka-clamp ng mg motorsiklo.
Sa tagpong ito, dito na kinuhaan ng video ang mga MTPB personnel habang nagtatanggal ng clamping at ipinost sa social media na agad nag-viral.
Ayon kay Viaje, tila pinapalabas sa viral video na masama ang gobyerno ngunit sa katunayan ay sila mismo ang may pagkukulang dahil imbes na “updated permit” ang kanilang ipinakita ay paso o expired na permit ang kanilang iprinisinta sa mga tauhan ng MTPB kaya na-clamp ang mga motorsiklo.
“May malisya ang pagpopost gusto palabasin na masama ang gobyerno,” giit ni Viaje.
Dahil dito, magsasampa ng kaukulang kaso ang MTPB dahil ipinost sa social media ang kanilang mga tauhan ng walang pahintulot sa mga ito. Bukod sa pagsasampa ng kaso, hindi na rin makakapag-renew ng kanilang parking permit ang naturang branch ng Honda motorcycle.