MANILA, Philippines — Hindi maituturing na impeachable offense ang paglikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kahit pa itinuturing itong bigong inisyatiba, ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice.
Ito ang sinabi ni Erice sa pagdinig ng House committee on justice kaugnay ng pagtalakay kung sufficient in form ang impeachment complaint na inihain ng abogadong si Andre de Jesus laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Erice, bagama’t maituturing na “failure” ang ICI dahil sa pagbibitiw ng mga pangunahing opisyal nito, wala umanong sapat na ebidensya upang patunayan na nilikha ito ng pangulo upang protektahan ang mga umano’y tiwaling kaalyado.
Tinukoy ni Erice ang ikalimang paratang sa reklamo ni de Jesus, kung saan inakusahan ang pangulo ng paggamit sa ICI bilang panangga sa katiwalian.
“Ito ay haka-haka at konklusyon lamang, hindi isang katotohanang maaaring maging batayan ng impeachment,” ani Erice, sabay banggit sa pagbibitiw nina dating commissioners Rosanna Fajardo at Rogelio Singson.
Huling nagsalita si Erice kaugnay ng nasabing paratang, kasunod ng ilang mambabatas na pawang nagpahayag ng pagtutol sa reklamo, kabilang sina Baguio City Rep. Mauricio Domogan, FPJ Panday Bayanihan Rep. Brian Poe, at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Ayon kay Abante, bagama’t mas mainam sana kung nabigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang ICI, hindi ito sapat na batayan upang i-impeach ang pangulo.
Tinawag naman ni Poe na mapanganib ang pagbibigay ng “substansya” sa paratang laban sa ICI, dahil maaari umano itong magpahina sa mga susunod na hakbang laban sa katiwalian.
“Ang paglikha ng isang anti-corruption body ay hindi, sa sarili nito, isang impeachable offense,” giit ni Poe.
Nauna nang tinalakay ng komite ang iba pang nilalaman ng reklamo, kabilang ang mungkahing suriin muna ang pagiging tunay ng mga kalakip na dokumento bago talakayin ang substansya ng mga paratang.
Noong Enero 19, inihain ni de Jesus ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Marcos, na naglalaman ng anim na paratang, kabilang ang umano’y paglabag sa Konstitusyon, katiwalian sa badyet, at ang pagsuko umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Gayunman, iginiit ng ilang mambabatas na mahina at madaling ibasura ang reklamo dahil sa kakulangan sa porma at ebidensya.
Dahil dito, naghain naman ang Makabayan Coalition ng hiwalay na impeachment complaint na nakatuon sa umano’y “BBM Parametric Formula” sa alokasyon ng pondo para sa mga infrastructure project. RNT/JGC