Home NATIONWIDE Solar Para sa Bayan pinagpapaliwanag ng ERC sa mga paglabag

Solar Para sa Bayan pinagpapaliwanag ng ERC sa mga paglabag

208
0

MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Solar Para sa Bayan Corp. (SPSB) kaugnay ng umano’y mga paglabag nito matapos maglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa kumpanya.

Ayon kay ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan, ang hakbang ay bunsod ng mga reklamong natanggap ng komisyon hinggil sa walang pahintulot na operasyon at paniningil ng hindi aprubadong singil sa kuryente ng SPSB sa bayan ng Paluan, Occidental Mindoro.

Sa panayam ng PTV nitong Martes, Pebrero 3, sinabi ni Juan na base sa rekord ng ERC, walang aplikasyon ang SPSB para makapag-operate sa lugar at wala ring naaprubahang electricity rate ang kumpanya.

“Batay sa aming beripikasyon, hindi humingi ng pahintulot ang Solar Para sa Bayan para mag-operate at wala rin itong aprubadong singil sa kuryente,” ani Juan.

Dagdag pa niya, obligadong magsumite ng aplikasyon sa ERC ang mga power distributor at generator bago makapagsimula ng operasyon o magtaas ng singil sa kanilang mga kustomer.

Batay sa mga reklamo, sinisingil umano ng SPSB ang mga konsyumer ng hanggang P18 kada kilowatt-hour, mas mataas kumpara sa lokal na electric cooperative sa Paluan.

Noong nakaraang buwan, inanunsyo ng ERC na iniimbestigahan nito ang SPSB kaugnay ng nasabing singil na hindi umano dumaan sa pag-apruba ng komisyon noong 2020.

Sa isang ulat, hindi direktang sinagot ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang isyu ng umano’y hindi aprubadong singil.

Giit niya, ang singil na nasa P8 hanggang P11.85 kada kWh ay para mabawi ang pagkalugi habang hinihintay ang implementing rules and regulations (IRR) ng prangkisa ng kumpanya.

Ayon kay Leviste, dahil sa pagkaantala ng IRR, napilitan ang kumpanya na itaas ang singil upang mabawi ang gastos, ngunit kalaunan ay nagsara rin matapos umanong malugi ng humigit-kumulang P500 milyon.

Nilinaw naman ng ERC na sa ilalim ng Section 21 ng prangkisa, kinakailangan lamang ang IRR para sa mga bagong lugar na papasukan ng operasyon.

Ang mga plantang umiiral na bago pa man maibigay ang prangkisa ay hindi na nangangailangan ng IRR, subalit kailangan pa rin ng pag-apruba ng ERC para sa anumang rate increase.

Sinabi ni Juan na hihintayin muna ng komisyon ang paliwanag ng SPSB bago magpasya kung may naganap na paglabag at kung anong parusa ang ipapataw.

“Kapag napatunayang may paglabag, maaari kaming magpataw ng parusa kahit hindi na aktibo ang operasyon ng kumpanya,” ani Juan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here