Home NATIONWIDE Lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 napasok na ng PCG divers

Lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 napasok na ng PCG divers

215
0

MANILA, Philippines – Napasok na ng mga technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 nitong Miyerkules, Pebrero 4 matapos makumpirma ang lokasyon nito.

Ayon sa PCG, ang barko ay natagpuan humigit-kumulang 1.8 nautical miles mula sa Baluk-Baluk Island.

Sa Facebook post ng PCG, sinabi ni Commodore Marfe na positibong kinilala ng Technical Diving Group (TDG) ang barko matapos malinaw na mabasa ang pangalan nitong “MV Trisha Kerstin 3” na nakamarka sa katawan ng barko,

Ang mga divers ay nagsagawa ng underwater assessment operations upang suriin ang kondisyon ng barko at suportahan ang posibleng karagdagang recovery efforts.

Ayon sa PCG, ang dive operations ay isinagawa alinsunod sa approved dive plan.

Samantala, umakyat na sa 45 ang bilang ng mga nasawi mula sa trahedya matapos makuha ang dalawang katawan habang nananatili sa 316 ang bilang ng mga nakaligtas.

Ang M/V Trisha Kerstin 3 ay umalis mula sa Port of Zamboanga City patungong Jolo, Sulu noong gabi ng Enero 25 ngunit lumubog sa karagatan ng Basilan noong umaga ng Enero 26.

Samantala, ipinatigil ng Department of Transportation (DOTr) ang buong fleet ng Aleson Shipping Lines, ang may-ari ng M/V Trisha Kerstin 3, habang isinasagawa ang maritime safety at inspection audit kaugnay ng insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here